Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
II KINGS
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 22
II K TagAngBi 22:1  Si Josias ay may walong taon nang magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlongpu't isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Idida na anak ni Adaia na taga Boscat.
II K TagAngBi 22:2  At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad sa buong lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.
II K TagAngBi 22:3  At nangyari, nang ikalabing walong taon ng haring Josias, na sinugo ng hari si Saphan na anak ni Azalia, na anak ni Mesullam, na kalihim, sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,
II K TagAngBi 22:4  Ahunin mo si Hilcias na dakilang saserdote, upang kaniyang bilangin ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon, na tinipon sa bayan ng tagatanod-pinto:
II K TagAngBi 22:5  At ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon; at ibigay sa mga manggagawa na nangasa bahay ng Panginoon, upang husayin ang mga sira ng bahay.
II K TagAngBi 22:6  Sa mga anluwagi, at sa mga manggagawa, at sa mga kantero at sa pagbili ng kahoy, at ng batong tabas upang husayin ang bahay.
II K TagAngBi 22:7  Gayon ma'y walang pagtutuos na ginawa sila sa kanila sa salapi na nabigay sa kanilang kamay; sapagka't kanilang ginawang may pagtatapat.
II K TagAngBi 22:8  At si Hilcias na dakilang saserdote ay nagsabi kay Saphan na kalihim, Aking nasumpungan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon. At ibinigay ni Hilcias ang aklat kay Saphan, at kaniyang binasa.
II K TagAngBi 22:9  At si Saphan na kalihim ay naparoon sa hari, at nagbalik ng salita sa hari, at nagsabi, Inilabas ng iyong mga lingkod ang salapi na nasumpungan sa bahay, at ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang tumitingin ng gawain sa bahay ng Panginoon.
II K TagAngBi 22:10  At isinaysay ni Saphan na kalihim, sa hari na sinasabi, Si Hilcias na saserdote ay nagbigay sa akin ng isang aklat.
II K TagAngBi 22:11  At binasa ni Saphan sa harap ng hari. At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot.
II K TagAngBi 22:12  At ang hari ay nagutos kay Hilcias na saserdote, at kay Ahicam na anak ni Saphan, at kay Achbor na anak ni Michaia, at kay Saphan na kalihim, at kay Asaia na lingkod ng hari, na sinasabi,
II K TagAngBi 22:13  Kayo'y magsiyaon, isangguni ninyo sa Panginoon ako, at ang bayan, at ang buong Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na ito na nasumpungan: sapagka't malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka't hindi dininig ng ating mga magulang ang mga salita ng aklat na ito, na gawin ang ayon sa lahat na nasusulat tungkol sa atin.
II K TagAngBi 22:14  Sa gayo'y si Hilcias na saserdote, at si Ahicam, at si Achbor, at si Saphan, at si Asaia, ay nagsiparoon kay Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum na anak ni Ticva na anak ni Araas, na katiwala sa mga kasuutan (siya nga'y tumatahan sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipagsanggunian sa kaniya.
II K TagAngBi 22:15  At sinabi niya sa kanila, Ganito, ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Saysayin ninyo sa lalake na nagsugo sa inyo sa akin,
II K TagAngBi 22:16  Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, sa makatuwid baga'y lahat na salita ng aklat na nabasa ng hari sa Juda:
II K TagAngBi 22:17  Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, upang ipamungkahi nila ako sa galit sa lahat na gawa ng kanilang mga kamay, kaya't ang aking pagiinit ay magaalab sa dakong ito, at hindi mapapatay.
II K TagAngBi 22:18  Nguni't sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo upang magusisa sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel. Tungkol sa mga salita na inyong narinig.
II K TagAngBi 22:19  Sapagka't ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Panginoon, nang iyong marinig ang aking sinalita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito na sila'y magiging kagibaan, at sumpa, at hinapak mo ang iyong kasuutan, at umiyak sa harap ko: ay dininig naman kita, sabi ng Panginoon.
II K TagAngBi 22:20  Kaya't narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay malalagay sa iyong libingan na payapa, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito. At sila'y nagbalik ng salita sa hari.