Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
GENESIS
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 14
Gene TagAngBi 14:1  At nangyari sa mga kaarawan ni Amraphel, hari sa Sinar, ni Ariok hari sa Elasar, ni Chedorlaomer hari sa Elam, at ni Tidal na hari ng mga Goiim,
Gene TagAngBi 14:2  Na ang mga ito ay nakipagbaka laban kay Bera hari sa Sodoma, at laban kay Birsha hari sa Gomorra, kay Shinab hari sa Adma, at kay Shemeber, hari sa Zeboim, at sa hari sa Bela (na si Zoar).
Gene TagAngBi 14:3  Lahat ng ito'y nagkatipon sa libis ng Siddim (na siyang Dagat na Alat).
Gene TagAngBi 14:4  Labingdalawang taong nagsipaglingkod kay Chedorlaomer, at sa ikalabingtatlong taon ay nagsipaghimagsik.
Gene TagAngBi 14:5  At sa ikalabingapat na taon ay dumating si Chedorlaomer at ang mga haring kasama niya, at sinaktan ang mga Refaim sa Ashteroth-Carnaim, at ang mga Zuzita sa Ham, at ang mga Emita sa Shave-ciriataim.
Gene TagAngBi 14:6  At ang mga Horeo sa kanilang kabundukan ng Seir, hanggang Elparan na nasa tabi ng ilang.
Gene TagAngBi 14:7  At sila'y nangagbalik at nagsiparoon sa Enmispat (na siyang Cades), at kanilang sinaktan ang buong lupain ng mga Amalecita at pati ng mga Amorrheo na nagsisitahan sa Hazezon-tamar.
Gene TagAngBi 14:8  At nagsilabas ang hari sa Sodoma, at ang hari sa Gomorra, at ang hari sa Adma, at ang hari sa Zeboim, at ang hari sa Bela (na dili iba't si Zoar); at sila'y humanay ng pakikipagbaka laban sa kanila sa libis ng Siddim;
Gene TagAngBi 14:9  Laban kay Chedorlaomer, hari sa Elam, at kay Tidal na hari ng mga Goiim at kay Amraphel, hari sa Shinar, at kay Arioch, hari sa Elasar; apat na hari laban sa lima.
Gene TagAngBi 14:10  At ang libis ng Siddim ay puno ng hukay ng betun; at nagsitakas ang mga hari sa Sodoma at sa Gomorra, at nangahulog doon, at ang natira ay nagsitakas sa kabundukan.
Gene TagAngBi 14:11  At kanilang sinamsam ang lahat ng pag-aari ng Sodoma at Gomorra, at ang lahat nilang pagkain, at nagsiyaon.
Gene TagAngBi 14:12  At dinala nila si Lot, na anak ng kapatid ni Abram, na nananahan sa Sodoma at ang kaniyang mga pag-aari at sila'y nagsiyaon.
Gene TagAngBi 14:13  At dumating ang isang nakatanan, at ibinalita kay Abram na Hebreo; na tumatahan nga sa mga puno ng encina ni Mamre na Amorrheo, kapatid ni Eschol, at kapatid ni Aner; at ang mga ito ay kakampi ni Abram.
Gene TagAngBi 14:14  At pagkarinig ni Abram, na nabihag ang kaniyang kapatid ay ipinagsama ang kaniyang mga subok na lalake, na mga ipinanganak sa kaniyang bahay, na tatlong daan at labing walo, at kanilang hinabol sila hanggang sa Dan.
Gene TagAngBi 14:15  At sila'y nangagpangkatpangkat sa kinagabihan, laban sa kaaway, siya at ang kaniyang mga alipin, at kanilang sinaktan sila, at hinabol nila sila hanggang sa Hobah, na nasa kaliwa ng Damasco.
Gene TagAngBi 14:16  At iniuwi niya ang lahat ng pag-aari; at iniuwi rin niya si Lot na kaniyang kapatid, at ang kaniyang mga pag-aari, at gayon din ang mga babae at ang bayan.
Gene TagAngBi 14:17  At nilabas na sinalubong siya ng hari sa Sodoma pagkatapos na siya'y magbalik na mula sa pagpatay kay Chedorlaomer, at sa mga haring kasama niya sa libis ng Shave (na siyang libis ng hari).
Gene TagAngBi 14:18  At si Melquisedec, na hari sa Salem, ay naglabas ng tinapay at alak; at siya'y saserdote ng Kataastaasang Dios.
Gene TagAngBi 14:19  At binasbasan niya siya na sinabi, Pagpalain si Abram ng Kataastaasang Dios, na may-ari ng langit at ng lupa:
Gene TagAngBi 14:20  At purihin ang Kataastaasang Dios, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay. At binigyan siya ni Abram ng ikasangpung bahagi ng buong samsam.
Gene TagAngBi 14:21  At sinabi ng hari sa Sodoma kay Abram, Ibigay mo sa akin ang mga tao at kunin mo sa ganang iyo ang mga pag-aari.
Gene TagAngBi 14:22  At sinabi ni Abram sa hari sa Sodoma, Itinaas ko ang aking kamay sa Panginoong Dios na Kataastaasan, na may ari ng langit at ng lupa.
Gene TagAngBi 14:23  Isinumpa kong hindi ako kukuha maging isang sinulid, o maging isang panali ng pangyapak, o ng anomang nauukol sa iyo, baka iyong sabihin, Pinayaman ko si Abram:
Gene TagAngBi 14:24  Liban na lamang ang kinain ng mga binata at ang bahagi ng mga lalaking kinasama ko; si Aner, si Eschol, at si Mamre, ay pakunin mo ng kanilang bahagi.