Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
GENESIS
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 18
Gene TagAngBi 18:1  At napakita ang Panginoon sa kaniya sa mga punong encina ni Mamre, habang siya'y nakaupo sa pintuan ng tolda, ng kainitan ng araw.
Gene TagAngBi 18:2  At itiningin ang kaniyang mga mata at nagmalas, at, narito't tatlong lalake ay nakatayo sa tabi niya: at pagkakita niya sa kanila, ay tinakbo niya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumukod siya sa lupa.
Gene TagAngBi 18:3  At nagsabi, Panginoon ko, kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mong lagpasan ang iyong lingkod.
Gene TagAngBi 18:4  Itulot mong dalhan kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at mangagpahinga kayo sa lilim ng kahoy.
Gene TagAngBi 18:5  At magdadala ako ng isang subong tinapay at inyong palakasin ang inyong puso; at pagkatapos ay magsisipagtuloy kayo: yamang kayo'y naparito sa inyong lingkod, At nagsipagsabi, Mangyari ang ayon sa iyong sinabi.
Gene TagAngBi 18:6  At si Abraham ay nagmadaling napasa tolda ni Sara, at sinabi, Maghanda ka agad ng tatlong takal ng mainam na harina, iyong tapayin at gawin mong mga munting tinapay.
Gene TagAngBi 18:7  At tumakbo si Abraham sa bakahan at nagdala ng isang bata at mabuting guya, at ibinigay sa alipin; at siya'y nagmadali, upang lutuin.
Gene TagAngBi 18:8  At siya'y kumuha ng mantekilla, at ng gatas, at ng guyang niluto niya, at inihain sa harapan nila; at siya'y tumayo sa siping nila sa lilim ng punong kahoy; at sila'y nagsikain.
Gene TagAngBi 18:9  At sinabi nila sa kaniya, Saan naroon si Sara na iyong asawa? At sinabi niya Narito, nasa tolda.
Gene TagAngBi 18:10  At sinabi niya, Walang salang di ako babalik sa iyo sa ganitong panahon ng taong darating; at narito't si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalake. At narinig ni Sara sa pintuan ng tolda, na nasa likod niya.
Gene TagAngBi 18:11  Si Abraham at si Sara nga'y matatanda na, at lipas na sa panahon; at tinigilan na si Sara ng kaugalian ng mga babae.
Gene TagAngBi 18:12  At nagtawa si Sara sa kaniyang sarili, na sinasabi, Pagkatapos na ako'y tumanda ay magtatamo ako ng kaligayahan, at matanda na rin pati ng panginoon ko?
Gene TagAngBi 18:13  At sinabi ng Panginoon kay Abraham, Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, Tunay kayang ako'y manganganak, na matanda na ako?
Gene TagAngBi 18:14  May anomang bagay kayang napakahirap sa Panginoon? Sa tadhanang panahon ay babalik ako sa iyo, sa taong darating, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalake.
Gene TagAngBi 18:15  Nang magkagayo'y nagkaila si Sara, na sinasabi, Hindi ako tumawa, sapagka't siya'y natakot. Nguni't sinabi niya, Hindi gayon; kundi ikaw ay tumawa.
Gene TagAngBi 18:16  At nangagtindig doon ang mga lalake, at nangagsitingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham, upang ihatid sila sa daan.
Gene TagAngBi 18:17  At sinabi ng Panginoon, Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin;
Gene TagAngBi 18:18  Dangang si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kaniya ang lahat ng bansa sa lupa?
Gene TagAngBi 18:19  Sapagka't siya'y aking kinilala, upang siya'y magutos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sangbahayan pagkamatay niya, na maingatan nila ang daan ng Panginoon, na gumawa ng kabanalan, at kahatulan; upang padatnin ng Panginoon, kay Abraham ang kaniyang ipinangako tungkol sa kaniya.
Gene TagAngBi 18:20  At sinabi ng Panginoon, Sapagka't ang sigaw ng Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagka't ang kasalanan nila ay napakalubha;
Gene TagAngBi 18:21  Ay bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga ang ayon sa sigaw na dumarating hanggang sa akin; at kung hindi ay aking malalaman.
Gene TagAngBi 18:22  At ang mga lalake ay nagsilayo roon at nagsitungo sa Sodoma datapuwa't si Abraham ay nakatayo pa sa harapan ng Panginoon.
Gene TagAngBi 18:23  At lumapit si Abraham, at nagsabi, Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama?
Gene TagAngBi 18:24  Kung sakaling may limang pung banal sa loob ng bayan: lilipulin mo ba, at di mo patatawarin ang dakong yaon, alangalang sa limang pung banal na nasa loob niyaon?
Gene TagAngBi 18:25  Malayo nawa sa iyo ang paggawa ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anopa't ang banal ay mapara sa masama; malayo nawa ito sa iyo: di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa?
Gene TagAngBi 18:26  At sinabi ng Panginoon, Kung makasumpong ako sa Sodoma ng limang pung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong dakong yaon, alangalang sa kanila.
Gene TagAngBi 18:27  At sumagot si Abraham, at nagsabi, Narito, ngayo'y nangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang:
Gene TagAngBi 18:28  Kung sakaling magkukulang ng lima sa limang pung banal: lilipulin mo ba, dahil sa limang kulang, ang buong bayan? At sinabi niya, Hindi ko lilipulin kung makasumpong ako roon ng apat na pu't lima.
Gene TagAngBi 18:29  At siya'y muling nagsalita pa sa kaniya, at nagsabi, Marahil ay may masusumpungang apat na pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin, alangalang sa apat na pu.
Gene TagAngBi 18:30  At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita: kung sakaling may masusumpungan doong tatlong pu. At sinabi niya, Hindi ko gagawin kung makakasumpong ako roon ng tatlong pu.
Gene TagAngBi 18:31  At kaniyang sinabi, Narito ngayon, ako'y nangahas na magsalita sa Panginoon: kung sakaling may masusumpungan doong dalawang pu. At sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa dalawang pu.
Gene TagAngBi 18:32  At sinabi niya, Oh huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan: kung sakaling may masusumpungan doong sangpu: at sinabi niya, Hindi ko lilipulin, alangalang sa sangpu.
Gene TagAngBi 18:33  At ang Panginoon ay nagpatuloy, pagkatapos na makipagusap kay Abraham: at si Abraham ay nagbalik sa kaniyang dako.