Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
JOSHUA
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 4
Josh TagAngBi 4:1  At nangyari nang nakatawid na lubos sa Jordan ang buong bansa, na ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na nagsasabi,
Josh TagAngBi 4:2  Kumuha ka ng labing dalawang lalake sa bayan, na isa sa bawa't lipi,
Josh TagAngBi 4:3  At iutos ninyo sa kanila, na sabihin, Kumuha kayo mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong tinatayuang matatag ng mga paa ng mga saserdote, ng labing dalawang bato, at dalhin ninyo, at ilapag ninyo sa tigilang dako, na inyong tutuluyan sa gabing ito.
Josh TagAngBi 4:4  Nang magkagayo'y tinawag ni Josue ang labing dalawang lalake, na kaniyang inihanda sa mga anak ni Israel, na isang lalake sa bawa't lipi.
Josh TagAngBi 4:5  At sinabi ni Josue sa kanila, Dumaan kayo sa harap ng kaban ng Panginoon ninyong Dios sa gitna ng Jordan, at pasanin ng bawa't isa sa inyo ang isang bato sa kaniyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;
Josh TagAngBi 4:6  Upang ito'y maging pinaka tanda sa gitna ninyo, na pagka itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, na sasabihin, Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?
Josh TagAngBi 4:7  At inyo ngang sasabihin sa kanila, Sapagka't ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang magdaan yaon sa Jordan, ay nahawi ang tubig sa Jordan: at ang mga batong ito ay magiging pinaka alaala sa mga anak ni Israel magpakailan man.
Josh TagAngBi 4:8  At ginawang gayon ng mga anak ni Israel gaya ng iniutos ni Josue, at pumasan ng labing dalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinalita ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag doon.
Josh TagAngBi 4:9  At si Josue ay nagpabunton ng labing dalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan: at nangandoon, hanggang sa araw na ito.
Josh TagAngBi 4:10  Sapagka't ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos ang bawa't bagay na iniutos ng Panginoon kay Josue na salitain sa bayan, ayon sa buong iniutos ni Moises kay Josue: at ang bayan ay nagmadali at tumawid.
Josh TagAngBi 4:11  At nangyari nang nakatawid na lubos ang buong bayan, na ang kaban ng Panginoon ay itinawid at ang mga saserdote sa harap ng bayan.
Josh TagAngBi 4:12  At ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahati ni Manases, ay dumaang may sandata sa harap ng mga anak ni Israel, gaya ng salita ni Moises sa kanila:
Josh TagAngBi 4:13  May apat na pung libo na nasasakbatang handa sa pakikidigma ang dumaan sa harap ng Panginoon na patungo sa pakikibaka, sa mga kapatagan ng Jerico.
Josh TagAngBi 4:14  Nang araw na yaon ay pinadakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila'y natakot sa kaniya, gaya ng kanilang pagkatakot kay Moises, sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.
Josh TagAngBi 4:15  At ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,
Josh TagAngBi 4:16  Iutos mo sa mga saserdote na nagdadala ng kaban ng patotoo, na sila'y sumampa mula sa Jordan.
Josh TagAngBi 4:17  Nagutos nga si Josue sa mga saserdote, na sinasabi, Umahon kayo mula sa Jordan.
Josh TagAngBi 4:18  At nangyari, nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga saserdote na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at nang matungtong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga saserdote, na ang tubig ng Jordan ay nanauli sa kanilang dako, at umapaw sa pangpang na gaya ng dati.
Josh TagAngBi 4:19  At ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasangpung araw ng unang buwan, at humantong sa Gilgal, sa hangganang silanganan ng Jerico.
Josh TagAngBi 4:20  At yaong labing dalawang bato, na kanilang kinuha sa Jordan, ay ibinunton ni Josue sa Gilgal.
Josh TagAngBi 4:21  At siya'y nagsalita sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Pagka itatanong ng inyong mga anak sa kanilang mga magulang sa panahong darating, na sasabihin, Anong kahulugan ng mga batong ito?
Josh TagAngBi 4:22  Ay inyo ngang ipatatalastas sa mga anak ninyo, na sasabihin, Ang Israel ay tumawid sa Jordang ito sa tuyong lupa.
Josh TagAngBi 4:23  Sapagka't tinuyo ng Panginoon ninyong Dios ang tubig ng Jordan sa harap ninyo, hanggang sa kayo'y nakatawid, gaya ng ginawa ng Panginoon ninyong Dios sa Dagat na Mapula, na kaniyang tinuyo sa harap namin, hanggang sa kami ay nakatawid;
Josh TagAngBi 4:24  Upang makilala ng lahat na mga bayan sa lupa ang kamay ng Panginoon, na makapangyarihan; upang sila'y matakot sa Panginoon ninyong Dios magpakailan man.