Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
ISAIAH
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 59
Isai TagAngBi 59:1  Narito, ang kamay ng Panginoon ay hindi umiksi, na di makapagligtas; ni hindi man mahina ang kaniyang pakinig, na di makarinig.
Isai TagAngBi 59:2  Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.
Isai TagAngBi 59:3  Sapagka't ang inyong mga kamay ay nadumhan ng dugo, at ang inyong mga daliri ng kasamaan; ang inyong mga labi ay nangagsalita ng mga kasinungalingan, ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan.
Isai TagAngBi 59:4  Walang dumadaing ng katuwiran at walang nanananggalang ng katotohanan: sila'y nagsisitiwala sa walang kabuluhan, at nangagsasalita ng mga kasinungalingan; sila'y nangaglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan.
Isai TagAngBi 59:5  Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas, at gumagawa ng bahay gagamba: ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay; at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong.
Isai TagAngBi 59:6  Ang kanilang mga bahay gagamba ay hindi magiging mga kasuutan, o magsusuot man sila ng kanilang mga gawa: ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang kilos ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay.
Isai TagAngBi 59:7  Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila'y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas.
Isai TagAngBi 59:8  Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila'y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.
Isai TagAngBi 59:9  Kaya't ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami'y nagsisihanap ng liwanag, nguni't narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni't nagsisilakad kami sa kadiliman.
Isai TagAngBi 59:10  Kami'y nagsisikapa sa bakod na parang bulag, oo, kami'y nagsisikapa na gaya nila na walang mga mata: kami'y nangatitisod sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi; sa gitna ng mga malakas, kami'y parang mga patay.
Isai TagAngBi 59:11  Kaming lahat ay nagsisiungol na parang mga oso, at lubhang dumadaing na parang mga kalapati: kami'y nagsisihanap ng kahatulan, nguni't wala; ng kaligtasan, nguni't malayo sa amin.
Isai TagAngBi 59:12  Sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay dumami sa harap mo, at ang aming mga kasalanan ay nagpapatotoo laban sa amin; sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay sumasaamin, at tungkol sa aming mga kasamaan ay nababatid namin.
Isai TagAngBi 59:13  Pagsalangsang at pagsisinungaling sa Panginoon at sa pagtigil ng pagsunod sa aming Dios, sa pagsasalita ng pagpighati at panghihimagsik, sa pagaakala at paghango sa puso ng mga salitang kasinungalingan.
Isai TagAngBi 59:14  At ang kahatulan ay tumatalikod, at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo; sapagka't ang katotohanan ay nahulog sa lansangan, at ang karampatan ay hindi makapasok.
Isai TagAngBi 59:15  Oo, ang katotohanan ay nagkukulang, at siyang humihiwalay sa kasamaan ay nagiging sa kaniyang sarili na huli. At nakita ng Panginoon, at isinama ng kaniyang loob na walang kahatulan.
Isai TagAngBi 59:16  At kaniyang nakita na walang tao, at namangha na walang tagapamagitan: kaya't ang kaniyang sariling bisig ay nagdala ng kaligtasan sa kaniya; at ang kaniyang katuwiran ay umalalay sa kaniya.
Isai TagAngBi 59:17  At siya'y nagsuot ng katuwiran na wari sapyaw, at ng turbante ng kaligtasan sa kaniyang ulo at siya'y nagsuot ng mga bihisan ng panghihiganti na pinakadamit, at nagbihis ng sikap na wari balabal.
Isai TagAngBi 59:18  Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin, pusok ng loob sa kaniyang mga kaaway, kagantihan sa kaniyang mga kaalit; sa mga pulo ay gaganti siya ng kagantihan.
Isai TagAngBi 59:19  Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kalunuran, at ang kaniyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw sapagka't siya'y darating na parang bugso ng tubig na pinayaon ng hinga ng Panginoon.
Isai TagAngBi 59:20  At isang Manunubos ay paroroon sa Sion, at sa kanila, na nangaghihiwalay sa Jacob ng pagsalangsang, sabi ng Panginoon.
Isai TagAngBi 59:21  At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailan pa man.