Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
ISAIAH
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 33
Isai TagAngBi 33:1  Sa aba mo na sumasamsam, at ikaw ay hindi nasamsaman; at gumagawa na may kataksilan, at sila'y hindi gumawang may kataksilan sa iyo! Pagka ikaw ay naglikat ng pagsamsam, ikaw ay sasamsaman; at pagka ikaw ay nakatapos ng paggawang may kataksilan, sila'y gagawang may kataksilan sa iyo.
Isai TagAngBi 33:2  Oh Panginoon, magmahabagin ka sa amin; aming hinintay ka: ikaw ay maging kanilang bisig tuwing umaga; aming kaligtasan naman sa panahon ng kabagabagan.
Isai TagAngBi 33:3  Sa ingay ng kagulo ay nagsisitakas ang mga bayan; sa pagbangon mo ay nagsisipangalat ang mga bansa.
Isai TagAngBi 33:4  At ang iyong samsam ay pipisanin na gaya ng pagpisan ng uod: kung paanong ang mga balang ay nagsisilukso ay gayon luluksuhan ng mga tao.
Isai TagAngBi 33:5  Ang Panginoon ay nahayag; sapagka't siya'y tumatahan sa mataas: kaniyang pinuno ang Sion ng kahatulan at katuwiran.
Isai TagAngBi 33:6  At magkakaroon ng kapanatagan sa iyong mga panahon, kasaganaan ng kaligtasan, karunungan at kaalaman: ang pagkatakot sa Panginoon ay kaniyang kayamanan.
Isai TagAngBi 33:7  Narito, ang kanilang mga matapang ay nagsisihiyaw sa labas; ang mga sugo ng kapayapaan ay nagsisiiyak na mainam.
Isai TagAngBi 33:8  Ang mga lansangan ay sira, ang palalakad na tao ay naglilikat: kaniyang sinira ang tipan, kaniyang hinamak ang mga bayan, hindi niya pinakukundanganan ang kapuwa tao.
Isai TagAngBi 33:9  Ang lupain ay nananangis at nahahapis: ang Libano ay nahihiya at natutuyo: ang Saron ay gaya ng isang ilang; at ang Basan at ang Carmel ay napapaspas ang kanilang mga dahon.
Isai TagAngBi 33:10  Ngayo'y babangon ako, sabi ng Panginoon; ngayo'y magpapakataas ako; ngayo'y magpapakadakila ako.
Isai TagAngBi 33:11  Kayo'y mangaglilihi ng ipa, kayo'y manganganak ng dayami: ang inyong hinga ay apoy na pupugnaw sa inyo.
Isai TagAngBi 33:12  At ang mga bayan ay magiging gaya ng pagluluto ng apog: gaya ng mga putol na mga tinik, na mga nasusunog sa apoy.
Isai TagAngBi 33:13  Pakinggan ninyo, ninyong nangasa malayo, kung ano ang aking ginawa; at kilalanin ninyo, na nangasa malapit, ang aking kapangyarihan.
Isai TagAngBi 33:14  Ang mga makasalanan sa Sion ay nangatatakot; nanginginig ang mga masasama. Sino sa atin ang tatahan sa mamumugnaw na apoy? Sino sa atin ang tatahan sa walang hanggang ningas?
Isai TagAngBi 33:15  Siyang lumalakad ng matuwid, at nagsasalita ng matuwid; siyang humahamak ng pakinabang sa mga kapighatian, na iniuurong ang kaniyang mga kamay sa paghawak ng mga suhol, na nagtatakip ng kaniyang mga tainga ng pagdinig ng tungkol sa dugo, at ipinipikit ang kaniyang mga mata sa pagtingin sa kasamaan;
Isai TagAngBi 33:16  Siya'y tatahan sa mataas, ang kaniyang dakong sanggalangan ay ang mga katibayan na malalaking bato: ang kaniyang tinapay ay mabibigay sa kaniya; ang kaniyang tubig ay sagana.
Isai TagAngBi 33:17  Makikita ng iyong mga mata ang hari sa kaniyang kagandahan: sila'y tatanaw sa isang lupaing malawak.
Isai TagAngBi 33:18  Ang inyong puso ay gugunita ng kakilabutan: saan nandoon siya na bumibilang, saan nandoon siya na tumitimbang ng buwis? saan nandoon siya na bumibilang ng mga moog?
Isai TagAngBi 33:19  Hindi mo makikita ang mabagsik na bayan, ang bayan na may malalim na pananalita na hindi mo matatalastas, na may ibang wika na hindi mo mauunawa.
Isai TagAngBi 33:20  Tumingin ka sa Sion, ang bayan ng ating mga takdang kapistahan: makikita ng iyong mga mata ang Jerusalem na tahimik na tahanan, isang tabernakulo na hindi makikilos, ang mga tulos niyao'y hindi mangabubunot kailan man, o mapapatid man ang alin man sa mga tali niyaon.
Isai TagAngBi 33:21  Kundi doon ay sasa atin ang Panginoon sa kamahalan, na dako ng mga maluwang na ilog at batis; na hindi daraanan ng mga daong na may mga gaod, o daraanan man ng magilas na sasakyang dagat.
Isai TagAngBi 33:22  Sapagka't ang Panginoon ay ating hukom, ang Panginoon ay ating tagapaglagda ng kautusan, ang Panginoon ay ating hari; kaniyang ililigtas tayo.
Isai TagAngBi 33:23  Ang iyong mga tali ay nangakalag: hindi nila mapatibay ang kanilang palo, hindi nila mailadlad ang layag: ang huli nga na malaking samsam ay binahagi; ang pilay ay kumuha ng huli.
Isai TagAngBi 33:24  At ang mamamayan ay hindi magsasabi, Ako'y may sakit: ang bayan na tumatahan doon ay patatawarin sa kanilang kasamaan.