Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
EZEKIEL
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 44
Ezek TagAngBi 44:1  Nang magkagayo'y ibinalik niya ako sa daan ng pintuan sa labas ng santuario, na nakaharap sa dakong silanganan; at ito'y nasara.
Ezek TagAngBi 44:2  At sinabi ng Panginoon sa akin, Ang pintuang-daang ito ay sasarhan, hindi bubuksan, o papasukan man ng sinoman, sapagka't pinasukan ng Panginoon, ng Dios ng Israel; kaya't ito'y masasara.
Ezek TagAngBi 44:3  Tungkol sa prinsipe, siya'y mauupo roon na pinaka prinsipe upang kumain ng tinapay sa harap ng Panginoon; siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at lalabas sa daan ding yaon.
Ezek TagAngBi 44:4  Nang magkagayo'y dinala niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan sa harap ng bahay: at ako'y tumingin, at, narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon: at nasubasob ako.
Ezek TagAngBi 44:5  At ang Panginoon ay nagsabi sa akin, Anak ng tao, tandaan mong mabuti, at masdan mo ng iyong mga mata, at pakinggan mo ng iyong mga pakinig ang lahat na aking sinasabi sa iyo tungkol sa lahat ng alituntunin hinggil sa bahay ng Panginoon, at tungkol sa lahat ng kautusan doon; at tandaan mong mabuti ang pasukan ng bahay sangpu ng bawa't labasan sa santuario.
Ezek TagAngBi 44:6  At iyong sasabihin sa mapanghimagsik, sa makatuwid baga'y sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Oh kayong sangbahayan ni Israel, mangaglikat na kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam,
Ezek TagAngBi 44:7  Sa inyong pagpapasok ng mga taga ibang lupa na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman, upang malagay sa aking santuario, na lapastanganin yaon, sa makatuwid baga'y ang aking bahay, pagka inyong inihahandog ang aking tinapay, ang taba at ang dugo, at sinira nila ang aking tipan, upang idagdag sa lahat ninyong mga kasuklamsuklam.
Ezek TagAngBi 44:8  At hindi ninyo iningatan ang katungkulan sa aking mga banal na bagay; kundi kayo'y nangaglagay ng mga tagapangasiwa sa aking santuario sa ganang inyong sarili.
Ezek TagAngBi 44:9  Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Walang taga ibang lupa, na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman na papasok sa aking santuario, kahit sinomang taga ibang lupa na nasa gitna ng mga anak ni Israel.
Ezek TagAngBi 44:10  Nguni't ang mga Levita na nagsilayo sa akin nang ang Israel ay maligaw sa akin sa pagsunod sa kanilang mga diosdiosan; mangagdadanas sila ng kanilang kasamaan.
Ezek TagAngBi 44:11  Gayon ma'y magiging tagapangasiwa sila sa aking santuario, na sila ang mamamahala sa mga pintuang-daan ng bahay, at magsisipangasiwa sa bahay: kanilang papatayin ang handog na susunugin at ang hain para sa bayan, at sila'y magsisitayo sa harap ng mga yaon upang pangasiwaan nila.
Ezek TagAngBi 44:12  Sapagka't kanilang pinangasiwaan sila sa harap ng kanilang mga diosdiosan, at naging ikatitisod sila sa ikasasama ng sangbahayan ni Israel; kaya't itinaas ko ang aking kamay laban sa kanila, sabi ng Panginoong Dios, at dadanasin nila ang kanilang kasamaan.
Ezek TagAngBi 44:13  At hindi sila magsisilapit sa akin upang magsagawa ng katungkulan ng saserdote sa akin, o magsisilapit man sa alin man sa mga banal na bagay ko, sa mga bagay na kabanalbanalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, at ang kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa.
Ezek TagAngBi 44:14  Gayon ma'y gagawin ko silang tagapangasiwa sa bahay, para sa buong paglilingkod doon, at sa lahat na gagawin doon.
Ezek TagAngBi 44:15  Nguni't ang mga saserdoteng Levita na mga anak na lalake ni Sadoc, na nagiingat ng katungkulan sa aking santuario nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, sila'y magsisilapit sa akin upang magsipangasiwa sa akin; at sila'y magsisitayo sa harap ko upang mangaghandog sa akin ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong Dios:
Ezek TagAngBi 44:16  Sila'y magsisipasok sa aking santuario, at sila'y magsisilapit sa aking dulang, upang magsipangasiwa sa akin, at iingatan nila ang kanilang katungkulan sa akin.
Ezek TagAngBi 44:17  At mangyayari, na pagka sila'y magsisipasok sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, susuutan sila ng mga kayong linong kasuutan; at walang lanang dadaiti sa kanila, samantalang sila'y nagsisipangasiwa sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, at sa loob.
Ezek TagAngBi 44:18  Sila'y mangagpupugong ng kayong lino sa kanilang mga ulo, at mangagtatapi ng kayong lino sa kanilang mga balakang; hindi sila mangagbibigkis ng anomang nakapagpapapawis.
Ezek TagAngBi 44:19  At pagka kanilang lalabasin ang mga tao sa looban sa labas, ng bahay, kanilang huhubarin ang kanilang mga kasuutan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid; at mangagsusuot sila ng ibang mga kasuutan, upang huwag nilang banalin ang mga tao ng kanilang mga kasuutan.
Ezek TagAngBi 44:20  Ni aahitan man nila ang kanilang mga ulo, ni titiisin man ang kanilang buhok ay humaba; kanila lamang gugupitan ang kanilang mga ulo.
Ezek TagAngBi 44:21  Ni iinom ng alak ang sinomang saserdote pagka sila'y magsisipasok sa lalong loob na looban.
Ezek TagAngBi 44:22  Ni mangagaasawa man sa babaing bao, o sa inihiwalay man: kundi sila'y magaasawa ng mga dalaga sa lahi ng sangbahayan ni Israel, o ng babaing bao na nabao sa saserdote.
Ezek TagAngBi 44:23  At kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ipakikilala nila sa kanila ang marumi at malinis.
Ezek TagAngBi 44:24  At sa pagtatalo ay magsisitayo sila upang magsihatol; ayon sa aking mga kahatulan ay kanilang hahatulan: at kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga palatuntunan sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga sabbath.
Ezek TagAngBi 44:25  At hindi sila magsisilapit sa alin mang patay na tao na mangagpakahawa; nguni't sa ama, o sa ina, o sa anak na lalake, o babae, sa kapatid na lalake, o babae na hindi nagkaasawa, maaaring mangagpakahawa sila.
Ezek TagAngBi 44:26  At pagkatapos na siya'y malinis, sila'y bibilang sa kaniya ng pitong araw.
Ezek TagAngBi 44:27  At sa kaarawan na siya'y pumasok sa santuario, sa lalong loob na looban upang mangasiwa sa santuario, siya'y maghahandog ng kaniyang handog dahil sa kasalanan, sabi ng Panginoong Dios.
Ezek TagAngBi 44:28  At sila'y mangagkakaroon ng mana; ako'y kanilang mana; at hindi ninyo bibigyan sila ng pag-aari sa Israel; ako'y kanilang pag-aari.
Ezek TagAngBi 44:29  Sila'y magsisikain ng handog na harina, at ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog dahil sa pagkakasala; at bawa't bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila.
Ezek TagAngBi 44:30  At ang una sa lahat na unang bunga ng bawa't bagay, at lahat na alay na bawa't bagay, sa lahat ninyong mga alay ay magiging sa saserdote: inyo rin namang ibibigay sa mga saserdote ang una sa inyong masa upang pagpalain ang inyong bahay.
Ezek TagAngBi 44:31  Ang mga saserdote ay hindi kakain ng anomang bagay na namamatay sa kaniyang sarili, o nalapa, maging ibon o hayop man.