Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
ACTS
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 22
Acts TagAngBi 22:1  Mga kapatid na lalake at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagsasanggalang na gagawin ko ngayon sa harapan ninyo.
Acts TagAngBi 22:2  At nang marinig nilang sila'y kinakausap niya sa wikang Hebreo, ay lalo pang tumahimik sila: at sinabi niya,
Acts TagAngBi 22:3  Ako'y Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, datapuwa't pinapagaral sa bayang ito, sa paanan ni Gamaliel, na tinuruan alinsunod sa mahigpit na kaparaanan ng kautusan ng ating mga magulang, palibhasa'y masikap tungkol sa Dios, na gaya ninyong lahat ngayon:
Acts TagAngBi 22:4  At aking pinagusig ang Daang ito hanggang sa mamatay, na tinatalian at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalake at gayon din ang mga babae.
Acts TagAngBi 22:5  Gaya rin naman ng pangulong saserdote na nagpapatotoo sa akin, at ang buong kapulungan ng matatanda: na sa kanila nama'y tumanggap ako ng mga sulat sa mga kapatid, at naglakbay ako sa Damasco upang dalhin ko namang mga gapos sa Jerusalem ang nangaroroon upang parusahan.
Acts TagAngBi 22:6  At nangyari, na, samantalang ako'y naglalakbay, at nalalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling tapat, biglang nagliwanag mula sa langit ang isang malaking ilaw sa palibot ko.
Acts TagAngBi 22:7  At ako'y nasubasob sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig?
Acts TagAngBi 22:8  At ako'y sumagot, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi niya sa akin, Ako'y si Jesus na taga Nazaret, na iyong pinaguusig.
Acts TagAngBi 22:9  At sa katotohana'y nakita ng mga kasamahan ko ang ilaw, datapuwa't hindi nila narinig ang tinig na nagsalita sa akin.
Acts TagAngBi 22:10  At sinabi ko, Ano ang gagawin ko, Panginoon? At sinabi sa akin ng Panginoon, Magtindig ka, at pumaroon ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gagawin mo.
Acts TagAngBi 22:11  At nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng ilaw na yaon, palibhasa'y inakay ako sa kamay ng mga kasamahan ko, ay pumasok ako sa Damasco.
Acts TagAngBi 22:12  At isang Ananias, lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, na may mabuting katunayan ng lahat ng mga Judiong nagsisitahan doon,
Acts TagAngBi 22:13  Ay lumapit sa akin, at natatayo sa tabi ko ay nagsabi sa akin, Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin. At nang oras ding yao'y tumingin ako sa kaniya.
Acts TagAngBi 22:14  At sinabi niya, Ang Dios ng ating mga magulang ay itinalaga ka upang mapagkilala mo ang kaniyang kalooban, at makita mo ang Banal, at marinig mo ang isang tinig mula sa kaniyang bibig.
Acts TagAngBi 22:15  Sapagka't magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.
Acts TagAngBi 22:16  At ngayon bakit ka tumitigil? magtindig ka, at ikaw ay magbautismo, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kaniyang pangalan.
Acts TagAngBi 22:17  At nangyari, na, nang ako'y makabalik na sa Jerusalem, at nang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng diwa,
Acts TagAngBi 22:18  At siya'y nakita ko na nagsasabi sa akin, Magmadali ka, at umalis ka agad sa Jerusalem; sapagka't hindi nila tatanggapin sa iyo ang patotoo tungkol sa akin.
Acts TagAngBi 22:19  At aking sinabi, Panginoon, napagtatalastas nila na ako ang nagbilanggo at humampas sa bawa't sinagoga sa mga nagsisisampalataya sa iyo:
Acts TagAngBi 22:20  At nang ibubo ang dugo ni Estebang iyong saksi, ay ako nama'y nakatayo sa malapit, at sinasangayunan ko, at iningatan ko ang mga damit ng sa kaniya'y nagsipatay.
Acts TagAngBi 22:21  At sinabi niya sa akin, Yumaon ka: sapagka't susuguin kita sa malayo sa mga Gentil.
Acts TagAngBi 22:22  At kanilang pinakinggan siya hanggang sa salitang ito; at sila'y nangagtaas ng kanilang tinig, at nangagsabi, Alisin sa lupa ang isang gayong tao: sapagka't hindi marapat na siya'y mabuhay.
Acts TagAngBi 22:23  At samantalang sila'y nangagsisigawan, at ipinaghahagisan ang kanilang mga damit, at nangagsasabog ng alabok sa hangin,
Acts TagAngBi 22:24  Ay ipinagutos ng pangulong kapitan na siya'y ipasok sa kuta, na ipinaguutos na siya'y sulitin sa pamamagitan ng hampas, upang maalaman niya kung sa anong kadahilanan sila'y nangagsigawan ng gayon laban sa kaniya.
Acts TagAngBi 22:25  At nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling katad, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, Matuwid baga sa iyo na hampasin ang isang taong taga Roma, na hindi pa nahahatulan?
Acts TagAngBi 22:26  At nang ito'y marinig ng senturion, ay naparoon siya sa pangulong kapitan at sa kaniya'y ipinagbigay-alam, na sinasabi, Ano baga ang gagawin mo? sapagka't ang taong ito ay taga Roma.
Acts TagAngBi 22:27  At lumapit ang pangulong kapitan at sinabi sa kaniya, Sabihin mo sa akin, ikaw baga'y taga Roma? At sinabi niya, Oo.
Acts TagAngBi 22:28  At sumagot ang pangulong kapitan, Binili ko ng totoong mahal ang pagkamamamayang ito. At sinabi ni Pablo, Nguni't ako'y katutubong taga Roma.
Acts TagAngBi 22:29  Pagkaraka nga'y nagsilayo sa kaniya ang mga sa kaniya sana'y susulit: at ang pangulong kapitan din naman ay natakot nang maalamang siya'y taga Roma, at dahil sa pagkagapos niya sa kaniya.
Acts TagAngBi 22:30  Datapuwa't nang kinabukasan, sa pagkaibig na matanto ang katunayan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio, ay kaniyang pinawalan siya, at pinapagpulong ang mga pangulong saserdote at ang buong Sanedrin, at ipinapanaog si Pablo at iniharap sa kanila.