Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
ACTS
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 8
Acts TagAngBi 8:1  At si Saulo ay sumangayon sa kaniyang pagkamatay. At nang araw na yao'y nangyari ang isang malaking paguusig laban sa iglesia na nasa Jerusalem; at silang lahat ay nagsipangalat sa lahat ng mga dako ng Judea at Samaria, maliban na sa mga apostol.
Acts TagAngBi 8:2  At inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at siya'y tinangisan ng di kawasa.
Acts TagAngBi 8:3  Datapuwa't pinuksa ni Saulo ang iglesia, na pinapasok ang bahay-bahay, at kinakaladkad ang mga lalake't mga babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.
Acts TagAngBi 8:4  Ang mga nagsipangalat nga ay nagsipaglakbay, na ipinangangaral ang salita.
Acts TagAngBi 8:5  At bumaba si Felipe sa bayan ng Samaria, at ipinangaral sa kanila ang Cristo.
Acts TagAngBi 8:6  At ang mga karamiha'y nangagkakaisang nangakikinig sa mga bagay na sinasalita ni Felipe, pagkarinig nila, at pagkakita ng mga tanda na ginawa niya.
Acts TagAngBi 8:7  Sapagka't sa maraming may mga karumaldumal na espiritu, ay nangagsilabas sila, na nangagsisisigaw ng malakas na tinig: at maraming lumpo, at pilay, ang pinagaling.
Acts TagAngBi 8:8  At nagkaroon ng malaking kagalakan sa bayang yaon.
Acts TagAngBi 8:9  Datapuwa't may isang tao, na nagngangalang Simon, na nang unang panaho'y nanggagaway sa bayan, at pinahahanga ang mga tao sa Samaria, at nagsasabing siya'y isang dakila:
Acts TagAngBi 8:10  Na siyang pinakikinggan nilang lahat, buhat sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, na sinasabi, Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na Dakila.
Acts TagAngBi 8:11  At siya'y pinakinggan nila, sapagka't mahabang panahong pinahahanga niya sila ng kaniyang mga panggagaway.
Acts TagAngBi 8:12  Datapuwa't nang magsipaniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabubuting balita tungkol sa kaharian ng Dios at sa pangalan ni Jesucristo, ay nangabautismuhan ang mga lalake't mga babae.
Acts TagAngBi 8:13  At si Simon man ay naniwala rin: at nang mabautismuhan na, ay nanatili siyang kasama ni Felipe; at nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa, ay napahanga siya.
Acts TagAngBi 8:14  Nang mabalitaan nga ng mga apostol na nangasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Dios, ay sinugo nila sa kanila si Pedro at si Juan:
Acts TagAngBi 8:15  Na nang sila'y makalusong, ay ipinanalangin nila sila, upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo.
Acts TagAngBi 8:16  Sapagka't ito'y hindi pa bumababa sa kanino man sa kanila: kundi sila'y nangabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus.
Acts TagAngBi 8:17  Nang magkagayo'y ipinatong sa kanila ang kanilang mga kamay, at kanilang tinanggap ang Espiritu Santo.
Acts TagAngBi 8:18  Nang makita nga ni Simon na sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol ay ibinigay ang Espiritu Santo, ay inalok niya sila ng salapi,
Acts TagAngBi 8:19  Na sinasabi, Bigyan naman ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinomang patungan ko ng aking mga kamay, ay tumanggap ng Espiritu Santo.
Acts TagAngBi 8:20  Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagka't inisip mong tamuhin ang kaloob ng Dios sa pamamagitan ng salapi.
Acts TagAngBi 8:21  Wala kang bahagi ni kapalaran man sa bagay na ito: sapagka't ang puso mo'y hindi matuwid sa harap ng Dios.
Acts TagAngBi 8:22  Magsisi ka nga sa kasamaan mong ito, at manalangin ka sa Panginoon, baka sakaling ipatawad sa iyo ang pagiisip ng iyong puso.
Acts TagAngBi 8:23  Sapagka't nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at sa tali ng katampalasanan.
Acts TagAngBi 8:24  At sumagot si Simon at sinabi, Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon, upang huwag mangyari sa akin ang alin mang bagay sa mga sinasabi ninyo.
Acts TagAngBi 8:25  Sila nga, nang makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay nangagbalik sa Jerusalem, at ipinangaral ang evangelio sa maraming nayon ng mga Samaritano.
Acts TagAngBi 8:26  Datapuwa't nagsalita kay Felipe ang isang anghel ng Panginoon, na nagsasabi, Magtindig ka, at ikaw ay pumaroon sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza: na ito'y ilang.
Acts TagAngBi 8:27  At siya'y nagtindig at yumaon: at narito, ang isang lalaking taga Etiopia, isang bating na may dakilang kapamahalaan na sakop ni Candace, reina ng mga Etiope, na siyang namamahala ng lahat niyang kayamanan, at siya'y naparoon sa Jerusalem upang sumamba;
Acts TagAngBi 8:28  At siya'y pabalik at nakaupo sa kaniyang karo, at binabasa ang propeta Isaias.
Acts TagAngBi 8:29  At sinabi kay Felipe ng Espiritu, Lumapit ka, at makisama sa karong ito.
Acts TagAngBi 8:30  At tumakbo si Felipeng patungo sa kaniya, at napakinggan niyang binabasa si Isaias na propeta, at sinabi, Nauunawa mo baga ang binabasa mo?
Acts TagAngBi 8:31  At sinabi niya, Paanong magagawa ko, maliban nang may pumatnubay sa aking sinoman? At pinakiusapan niya si Felipe na pumanhik at maupong kasama niya.
Acts TagAngBi 8:32  Ang dako nga ng kasulatan na binabasa niya ay ito, Siya'y gaya ng tupa na dinala sa patayan; At kung paanong hindi umimik ang kordero sa harap ng manggugupit sa kaniya, Gayon din hindi niya binubuka ang kaniyang bibig:
Acts TagAngBi 8:33  Sa kaniyang pagpapakababa'y inalis ang kaniyang paghuhukom. Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi? Sapagka't inalis sa lupa ang kaniyang buhay.
Acts TagAngBi 8:34  At sumagot ang bating kay Felipe, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyo, kanino sinasabi ng propeta ito? sa kaniya bagang sarili, o sa alin mang iba?
Acts TagAngBi 8:35  At binuka ni Felipe ang kaniyang bibig, at pagpapasimula sa kasulatang ito, ay ipinangaral sa kaniya si Jesus.
Acts TagAngBi 8:36  At sa pagpapatuloy sa daan, ay nagsidating sila sa dakong may tubig; at sinabi ng bating, Narito, ang tubig; ano ang nakahahadlang upang ako'y mabautismuhan?
Acts TagAngBi 8:37  At sinabi ni Felipe Kung nanampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. At sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Dios.
Acts TagAngBi 8:38  At ipinagutos niyang itigil ang karo: at sila'y kapuwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang bating; at kaniyang binautismuhan siya.
Acts TagAngBi 8:39  At nang magsiahon sila sa tubig, ay inagaw si Felipe ng Espiritu ng Panginoon; at hindi na siya nakita ng bating, sapagka't ipinagpatuloy niya ang kaniyang lakad na natutuwa.
Acts TagAngBi 8:40  Nguni't nasumpungan si Felipe sa Azoto: at sa pagdadaan ay ipinangaral niya ang evangelio sa lahat ng mga bayan, hanggang sa dumating siya sa Cesarea.