Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
LUKE
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 6
Luke TagAngBi 6:1  Nangyari nga nang dumaraan siya sa mga trigohan nang isang sabbath, ay kumitil ng mga uhay ang mga alagad niya, at kinakain pagkaligis sa kanilang mga kamay.
Luke TagAngBi 6:2  Datapuwa't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, Bakit ginagawa ninyo ang di matuwid gawin sa araw ng sabbath?
Luke TagAngBi 6:3  At pagsagot sa kanila ni Jesus ay sinabi, Hindi baga nabasa ninyo ang ginawa ni David, nang siya'y magutom, siya, at ang mga kasamahan niya;
Luke TagAngBi 6:4  Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain ng mga tinapay na handog, at binigyan pati ang kaniyang mga kasamahan; na hindi naaayon sa kautusan na kanin ninoman kundi ng mga saserdote lamang?
Luke TagAngBi 6:5  At sinabi niya sa kanila, Ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.
Luke TagAngBi 6:6  At nangyari nang ibang sabbath, na siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo: at doo'y may isang lalake, at tuyo ang kaniyang kanang kamay.
Luke TagAngBi 6:7  At inaabangan siya ng mga eskriba at ng mga Fariseo, kung siya'y magpapagaling sa sabbath; upang makasumpong sila ng paraan na siya'y maisakdal.
Luke TagAngBi 6:8  Datapuwa't nalalaman niya ang kanilang mga kaisipan; at sinabi niya sa lalake na tuyo ang kamay, Magtindig ka at tumayo ka sa gitna. At siya'y nagtindig at tumayo.
Luke TagAngBi 6:9  At sinabi sa kanila ni Jesus, Itinatanong ko sa inyo, Matuwid bagang gumawa ng magaling, o gumawa ng masama kung sabbath? magligtas ng isang buhay o pumuksa?
Luke TagAngBi 6:10  At minamasdan niya silang lahat sa palibotlibot, at sinabi sa kaniya, Iunat mo ang iyong kamay. At ginawa niyang gayon; at gumaling ang kaniyang kamay.
Luke TagAngBi 6:11  Datapuwa't sila'y nangapuno ng galit; at nangagsangusapan, kung ano ang kanilang magagawang laban kay Jesus.
Luke TagAngBi 6:12  At nangyari nang mga araw na ito, na siya'y napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.
Luke TagAngBi 6:13  At nang araw na, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad; at siya'y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol:
Luke TagAngBi 6:14  Si Simon, na tinawag naman niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, at si Santiago at si Juan, at si Felipe at si Bartolome.
Luke TagAngBi 6:15  At si Mateo at si Tomas, at si Santiago anak ni Alfeo, at si Simon, na tinatawag na Masikap,
Luke TagAngBi 6:16  At si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging lilo;
Luke TagAngBi 6:17  At bumaba siya na kasama nila, at tumigil sa isang patag na dako, at ang lubhang marami sa mga alagad niya, at ang lubhang malaking bilang ng mga tao mula sa buong Judea at sa Jerusalem, at sa pangpangin ng dagat ng Tiro at Sidon, na nangagsidalo upang magsipakinig sa kaniya, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit;
Luke TagAngBi 6:18  Ang mga pinahihirapan ng mga espiritung karumaldumal ay pinagagaling.
Luke TagAngBi 6:19  At pinagpipilitan ng buong karamihan na siya'y mahipo; sapagka't lumalabas sa kaniya ang makapangyarihang bisa, at nagpapagaling sa lahat.
Luke TagAngBi 6:20  At itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Mapapalad kayong mga dukha: sapagka't inyo ang kaharian ng Dios.
Luke TagAngBi 6:21  Mapapalad kayong nangagugutom ngayon: sapagka't kayo'y bubusugin. Mapapalad kayong nagsisitangis ngayon: sapagka't kayo'y magsisitawa.
Luke TagAngBi 6:22  Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, at kung kayo'y ihiwalay nila, at kayo'y alimurahin, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anak ng tao.
Luke TagAngBi 6:23  Mangagalak kayo sa araw na yaon, at magsilukso kayo sa kagalakan; sapagka't narito, ang ganti sa inyo'y malaki sa langit; sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga propeta.
Luke TagAngBi 6:24  Datapuwa't sa aba ninyong mayayaman! sapagka't tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.
Luke TagAngBi 6:25  Sa aba ninyo mga busog ngayon! sapagka't kayo'y mangagugutom. Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon! sapagka't kayo'y magsisitaghoy at magsisitangis.
Luke TagAngBi 6:26  Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa inyo! sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.
Luke TagAngBi 6:27  Datapuwa't sinasabi ko sa inyong nangakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo,
Luke TagAngBi 6:28  Pagpalain ninyo ang sa inyo'y sumusumpa at ipanalangin ninyo ang sa inyo'y lumalait.
Luke TagAngBi 6:29  Sa sumampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo naman ang kabila; at ang sa iyo'y magalis ng iyong balabal, huwag mong itanggi pati ng iyong tunika.
Luke TagAngBi 6:30  Bigyan mo ang bawa't sa iyo'y humihingi; at sa kumuha ng pag-aari mo, ay huwag mong hinging muli.
Luke TagAngBi 6:31  At kung ano ang ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gayon din ang gawin ninyo sa kanila.
Luke TagAngBi 6:32  At kung kayo'y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa nagsisiibig sa kanila.
Luke TagAngBi 6:33  At kung magsigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ganito rin ang ginagawa ng mga makasalanan.
Luke TagAngBi 6:34  At kung kayo'y mangagpahiram doon sa mga inaasahan ninyong may tatanggapin, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? ang mga makasalanan man ay nangagpapahiram sa mga makasalanan, upang muling magsitanggap ng gayon din.
Luke TagAngBi 6:35  Datapuwa't ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti, at mangagpahiram kayo, na kailan man ay huwag mawawalan ng pagasa; at malaki ang sa inyo'y magiging ganti, at kayo'y magiging mga anak ng Kataastaasan: sapagka't siya'y magandang-loob sa mga walang turing at sa masasama.
Luke TagAngBi 6:36  Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain.
Luke TagAngBi 6:37  At huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo'y palalayain:
Luke TagAngBi 6:38  Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka't sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin.
Luke TagAngBi 6:39  At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay?
Luke TagAngBi 6:40  Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa't ang bawa't isa, pagka naging sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro.
Luke TagAngBi 6:41  At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa't hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata?
Luke TagAngBi 6:42  O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling mata, kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
Luke TagAngBi 6:43  Sapagka't walang mabuting punong kahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin naman masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti.
Luke TagAngBi 6:44  Sapagka't bawa't punong kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagka't ang mga tao ay di nangakapuputi ng mga igos sa mga dawag, at di nangakapuputi ng ubas sa mga tinikan.
Luke TagAngBi 6:45  Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao'y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.
Luke TagAngBi 6:46  At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?
Luke TagAngBi 6:47  Ang bawa't lumalapit sa akin, at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa, ituturo ko sa inyo kung sino ang katulad:
Luke TagAngBi 6:48  Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka't natitirik na mabuti.
Luke TagAngBi 6:49  Datapuwa't ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa, na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at pagdaka'y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon.