Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
I CHRONICLES
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 16
I Ch TagAngBi 16:1  At kanilang ipinasok ang kaban ng Dios, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para roon: at sila'y nagsipaghandog ng mga handog na susunugin, at mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Dios.
I Ch TagAngBi 16:2  At nang si David ay makatapos na maghandog ng handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, ay kaniyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon.
I Ch TagAngBi 16:3  At siya'y nagbigay sa bawa't isa sa Israel, sa lalake at gayon din sa babae, sa bawa't isa ng isang tinapay, at ng isang bahaging laman, at isang binilong pasas.
I Ch TagAngBi 16:4  At siya'y naghalal ng ilan sa mga Levita upang magsipangasiwa sa harap ng kaban ng Panginoon, at upang magsipagdiwang at mangagpasalamat, at mangagpuri sa Panginoon, sa Dios ng Israel:
I Ch TagAngBi 16:5  Si Asaph ang pinuno, at ang ikalawa niya'y si Zacharias, si Jeiel, at si Semiramoth, at si Jehiel, at si Eliab, at si Benaias, at si Obed-edom, at si Jeiel, na may mga salterio at mga alpa; at si Asaph na may mga simbalo, na tumutunog ng malakas;
I Ch TagAngBi 16:6  At si Benaias at si Jahaziel na mga saserdote na mga may pakakak na palagi, sa harap ng kaban ng tipan ng Dios.
I Ch TagAngBi 16:7  Nang magkagayo'y nang araw na yao'y unang iniutos ni David ang magpasalamat sa Panginoon, sa pamamagitan ng kamay ni Asaph at ng kaniyang mga kapatid.
I Ch TagAngBi 16:8  Oh kayo'y mangagpasalamat sa Panginoon, magsitawag kayo sa kaniyang pangalan; Ipakilala ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa.
I Ch TagAngBi 16:9  Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo ng mga pagpuri sa kaniya; Salitain ninyo ang lahat niyang mga kamanghamanghang gawa.
I Ch TagAngBi 16:10  Mangagpakaluwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: Mangagalak ang puso niyaong nagsisihanap sa Panginoon.
I Ch TagAngBi 16:11  Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang lakas; Hanapin ninyo ang kaniyang mukha na palagi.
I Ch TagAngBi 16:12  Alalahanin ninyo ang kaniyang kamanghamanghang mga gawa na kaniyang ginawa; Ang kaniyang mga kababalaghan, at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;
I Ch TagAngBi 16:13  Oh kayong binhi ng Israel na kaniyang lingkod, Kayong mga anak ni Jacob na kaniyang pinili.
I Ch TagAngBi 16:14  Siya ang Panginoon nating Dios; Ang kaniyang mga kahatulan ay nasa sangkalupaan.
I Ch TagAngBi 16:15  Alalahanin ninyo ang kaniyang tipan magpakailan man, Ang salita na kaniyang iniutos sa libolibong sali't saling lahi;
I Ch TagAngBi 16:16  Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, At ang kaniyang sumpa kay Isaac:
I Ch TagAngBi 16:17  At pinatotohanan din kay Jacob na pinaka palatuntunan, Kay Israel na pinaka walang hanggang tipan:
I Ch TagAngBi 16:18  Na sinasabi, Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, Ang kapalaran ng inyong mana:
I Ch TagAngBi 16:19  Noong kayo'y kakaunting tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;
I Ch TagAngBi 16:20  At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, At mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
I Ch TagAngBi 16:21  Hindi niya tiniis na gawan sila nino man ng kasamaan; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
I Ch TagAngBi 16:22  Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis, At huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.
I Ch TagAngBi 16:23  Kayo'y magsiawit sa Panginoon, buong lupa, Ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.
I Ch TagAngBi 16:24  Ipahayag ninyo ang kaniyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, Ang kaniyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.
I Ch TagAngBi 16:25  Sapagka't dakila ang Panginoon, at marapat na purihing mainam: Siya rin nama'y marapat na katakutan ng higit sa lahat na dios.
I Ch TagAngBi 16:26  Sapagka't lahat ng dios ng mga bayan ay mga diosdiosan: Nguni't nilikha ng Panginoon ang mga langit.
I Ch TagAngBi 16:27  Karangalan at kamahalan ang nangasa harap niya: Kalakasan at kasayahan ang nangasa kaniyang tahanan.
I Ch TagAngBi 16:28  Mangagbigay kayo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, Mangagbigay kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at ng kalakasan.
I Ch TagAngBi 16:29  Inyong ibigay sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: Mangagdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya: Inyong sambahin ang Panginoon sa ganda ng kabanalan.
I Ch TagAngBi 16:30  Manginig sa harap niya ang buong lupa: Ang sanglibutan nama'y natatatag na hindi makikilos.
I Ch TagAngBi 16:31  Mangagsaya ang mga langit, at magalak ang lupa; At sabihin nila sa gitna ng mga bansa, Ang Panginoon ay naghahari.
I Ch TagAngBi 16:32  Umugong ang dagat at ang kapunuan niyaon; Matuwa ang parang at ang lahat na nandoon;
I Ch TagAngBi 16:33  Kung magkagayo'y aawit ang mga puno ng kahoy sa gubat dahil sa kagalakan sa harap ng Panginoon, Sapagka't siya'y naparirito upang hatulan ang lupa.
I Ch TagAngBi 16:34  Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: Sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
I Ch TagAngBi 16:35  At sabihin ninyo, Iligtas mo kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, At pisanin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa, Upang kami ay pasalamat sa iyong banal na pangalan, At magtagumpay sa iyong kapurihan.
I Ch TagAngBi 16:36  Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, Mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. At sinabi ng buong bayan, Siya nawa: at pinuri ang Panginoon.
I Ch TagAngBi 16:37  Sa gayo'y iniwan niya roon sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon, si Asaph at ang kaniyang mga kapatid upang magsipangasiwang palagi sa harap ng kaban, gaya ng kinakailangan ng gawain sa araw-araw:
I Ch TagAngBi 16:38  At si Obed-edom pati ng kanilang mga kapatid, ay anim na pu't walo; si Obed-edom din na anak ni Jeduthun at si Asa ay upang maging mga tagatanod-pinto:
I Ch TagAngBi 16:39  At si Sadoc na saserdote, at ang kaniyang mga kapatid na mga saserdote, sa harap ng tabernakulo ng Panginoon sa mataas na dako na nasa Gabaon,
I Ch TagAngBi 16:40  Upang maghandog na palagi ng mga handog na susunugin sa Panginoon sa ibabaw ng dambana ng handog na susunugin sa umaga at hapon, ayon sa lahat na nangasusulat sa kautusan ng Panginoon na kaniyang iniutos sa Israel;
I Ch TagAngBi 16:41  At kasama nila si Heman at si Jeduthun, at ang nalabi sa mga pinili, na nangasaysay sa pangalan upang pasalamat sa Panginoon, sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man;
I Ch TagAngBi 16:42  At kasama nila si Heman at si Jeduthun na may mga pakakak at mga simbalo sa mangagpapatunog ng malakas, at mga may panugtog sa mga awit sa Dios: at ang mga anak ni Jeduthun upang mangalagay sa pintuang-daan.
I Ch TagAngBi 16:43  At ang buong bayan ay nagsiuwi bawa't tao sa kanikaniyang bahay: at si David ay bumalik upang basbasan ang kaniyang sangbahayan.