Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
JOB
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 15
Job TagAngBi 15:1  Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,
Job TagAngBi 15:2  Sasagot ba ang isang pantas ng walang kabuluhang kaalaman, at pupunuin ang kaniyang tiyan ng hanging silanganan?
Job TagAngBi 15:3  Makikipagmatuwiranan ba siya ng walang kapakinabangang pangungusap, o ng mga salita na hindi niya ikagagawa ng mabuti?
Job TagAngBi 15:4  Oo, ikaw ay nagaalis ng katakutan, at iyong pinipigil ang dalangin sa harap ng Dios.
Job TagAngBi 15:5  Sapagka't ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa iyong bibig, at iyong pinipili ang dila ng mapagkatha.
Job TagAngBi 15:6  Ang iyong sariling bibig ang humahatol laban sa iyo, at hindi ako; Oo, ang iyong sariling mga labi ay nagpapatotoo laban sa iyo.
Job TagAngBi 15:7  Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak? O nalabas ka bang una kay sa mga burol?
Job TagAngBi 15:8  Iyo bang narinig ang lihim na payo ng Dios? At ikaw ba'y nagpigil ng karunungan sa iyong sarili?
Job TagAngBi 15:9  Anong nalalaman mo na di namin nalalaman? Anong nauunawa mo na wala sa amin?
Job TagAngBi 15:10  Kasama namin ay mga ulong may uban, at mga totoong napakatandang tao, matandang makapupo kay sa iyong ama.
Job TagAngBi 15:11  Ang mga pagaliw ba ng Dios ay totoong kaunti pa sa ganang iyo, sa makatuwid baga'y ang salitang napakabuti sa iyo?
Job TagAngBi 15:12  Bakit ka napadadala sa iyong puso? At bakit kumikindat ang iyong mga mata?
Job TagAngBi 15:13  Na tinatalikdan mo ng iyong diwa ang Dios, at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa iyong bibig.
Job TagAngBi 15:14  Ano ang tao upang maging malinis? At siyang ipinanganak ng babae, upang siya'y maging matuwid?
Job TagAngBi 15:15  Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga banal; Oo, ang langit ay hindi malinis sa kaniyang paningin.
Job TagAngBi 15:16  Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak, ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!
Job TagAngBi 15:17  Ipakikilala ko sa iyo, dinggin mo ako; at ang aking nakita ay aking ipahahayag:
Job TagAngBi 15:18  (Ang isinaysay ng mga pantas na mula sa kanilang mga magulang, at hindi inilingid;
Job TagAngBi 15:19  Sa mga yaon lamang ibinigay ang lupain, at walang taga ibang lupa na dumaan sa gitna nila:)
Job TagAngBi 15:20  Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit lahat ng kaniyang araw, sa makatuwid baga'y ang bilang ng mga taon na itinakda sa mamimighati.
Job TagAngBi 15:21  Ang hugong ng kakilabutan ay nasa kaniyang mga pakinig; sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mga mananamsam:
Job TagAngBi 15:22  Siya'y hindi naniniwala na babalik siya na mula sa kadiliman, at siya'y hinihintay ng tabak:
Job TagAngBi 15:23  Siya'y gumagala dahil sa tinapay, na nagsasabi: Nasaan? Kaniyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kaniyang kamay:
Job TagAngBi 15:24  Kapanglawan at kadalamhatian ay tumatakot sa kaniya: nangananaig laban sa kaniya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipagbaka;
Job TagAngBi 15:25  Sapagka't iniuunat niya ang kaniyang kamay laban sa Dios. At nagpapalalo laban sa Makapangyarihan sa lahat;
Job TagAngBi 15:26  Tinatakbo niya siya na may mapagmatigas na leeg, sa kakapalan ng kaniyang mga kalasag;
Job TagAngBi 15:27  Sapagka't tinakpan niya ang kaniyang mukha ng kaniyang katabaan at nagpangulubot ng kaniyang mga pigi;
Job TagAngBi 15:28  At siya'y tumahan sa mga sirang bayan, sa mga bahay na walang taong tumatahan, na madaling magiging mga bunton.
Job TagAngBi 15:29  Hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kaniyang pag-aari. Ni di lalawak sa lupa ang kaniyang mga tinatangkilik.
Job TagAngBi 15:30  Siya'y hindi hihiwalay sa kadiliman; tutuyuin ng liyab ang kaniyang mga sanga, at sa pamamagitan ng hininga ng bibig ng Dios ay papanaw siya.
Job TagAngBi 15:31  Huwag siyang tumiwala sa kalayawan na dayain ang sarili: sapagka't kalayawan ang magiging kagantihan sa kaniya.
Job TagAngBi 15:32  Magaganap ito bago dumating ang kaniyang kapanahunan, at ang kaniyang sanga ay hindi mananariwa.
Job TagAngBi 15:33  Lalagasin niya ang kaniyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas, at lalagasin ang kaniyang bulaklak na gaya ng olibo.
Job TagAngBi 15:34  Sapagka't ang pulutong ng mga di banal ay hindi lalago, at susupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.
Job TagAngBi 15:35  Sila'y nag-iisip ng pagapi at naglalabas ng kasamaan, at ang kanilang kalooban ay naghahanda ng pagdaraya.