Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
PSALMS
Prev Up Next Toggle notes
Chapter 89
Psal TagAngBi 89:1  Aking aawitin ang kagandahang-loob ng Panginoon magpakailan man: aking ipababatid ng aking bibig ang iyong pagtatapat sa lahat ng sali't saling lahi.
Psal TagAngBi 89:2  Sapagka't aking sinabi, Kaawaan ay matatayo magpakailan man: ang pagtatapat mo'y iyong itatatag sa mga kalangitlangitan.
Psal TagAngBi 89:3  Ako'y nakipagtipan sa aking hirang, aking isinumpa kay David na aking lingkod;
Psal TagAngBi 89:4  Ang binhi mo'y itatatag ko magpakailan man, at aking itatayo ang luklukan mo sa lahat ng sali't saling lahi. (Selah)
Psal TagAngBi 89:5  At pupurihin ng langit ang iyong mga kababalaghan, Oh Panginoon; ang pagtatapat mo naman sa kapulungan ng mga banal.
Psal TagAngBi 89:6  Sapagka't sino sa langit ang maitutulad sa Panginoon? Sino sa gitna ng mga anak ng makapangyarihan ang gaya ng Panginoon,
Psal TagAngBi 89:7  Isang Dios na kakilakilabot sa kapulungan ng mga banal, at kinatatakutan ng higit sa lahat na nangasa palibot niya?
Psal TagAngBi 89:8  Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, sino ang makapangyarihang gaya mo, Oh JAH? At ang pagtatapat mo'y nasa palibot mo.
Psal TagAngBi 89:9  Iyong pinagpupunuan ang kapalaluan sa dagat: pagka nagsisibangon ang mga alon niyaon ay pinatatahimik mo.
Psal TagAngBi 89:10  Iyong pinagwaraywaray ang Rahab na parang napatay; iyong pinangalat ang iyong mga kaaway ng bisig ng iyong kalakasan.
Psal TagAngBi 89:11  Ang langit ay iyo, ang lupa ay iyo rin: ang sanglibutan at ang buong narito ay iyong itinatag,
Psal TagAngBi 89:12  Ang hilagaan at ang timugan ay iyong nilikha; ang Tabor at ang Hermon ay nangagagalak sa iyong pangalan.
Psal TagAngBi 89:13  Ikaw ay may makapangyarihang bisig: malakas ang iyong kamay, at mataas ang iyong kanang kamay.
Psal TagAngBi 89:14  Katuwiran at kahatulan ay patibayan ng iyong luklukan: kagandahang-loob at katotohanan ay nagpapauna sa iyong mukha.
Psal TagAngBi 89:15  Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang tunog: sila'y nagsisilakad, Oh Panginoon, sa liwanag ng iyong mukha.
Psal TagAngBi 89:16  Sa iyong pangalan ay nangagagalak sila buong araw: at sa iyong katuwiran ay nangatataas sila.
Psal TagAngBi 89:17  Sapagka't ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang kalakasan: at sa iyong lingap ay matataas ang aming sungay.
Psal TagAngBi 89:18  Sapagka't ang aming kalasag ay ukol sa Panginoon; at ang aming hari ay sa banal ng Israel.
Psal TagAngBi 89:19  Nang magkagayo'y nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga banal, at iyong sinabi, Aking ipinagkatiwala ang saklolo sa isang makapangyarihan; Aking itinaas ang isang hirang mula sa bayan.
Psal TagAngBi 89:20  Aking nasumpungan si David na aking lingkod; Aking pinahiran siya ng aking banal na langis:
Psal TagAngBi 89:21  Na siyang itatatag ng aking kamay; palakasin naman siya ng aking bisig.
Psal TagAngBi 89:22  Hindi dadahas sa kaniya ang kaaway; ni dadalamhatiin man siya ng anak ng kasamaan.
Psal TagAngBi 89:23  At ibubuwal ko ang kaniyang mga kaaway sa harap niya, at sasaktan ko ang nangagtatanim sa kaniya.
Psal TagAngBi 89:24  Nguni't ang pagtatapat ko at ang kagandahang-loob ko ay sasa kaniya; at sa pangalan ko'y matataas ang kaniyang sungay.
Psal TagAngBi 89:25  Akin namang ilalapag ang kaniyang kamay sa dagat, at ang kaniyang kanan ay sa mga ilog.
Psal TagAngBi 89:26  Siya'y dadaing sa akin, Ikaw ay Ama ko, Dios ko, at malaking bato ng aking kaligtasan.
Psal TagAngBi 89:27  Akin namang gagawin siyang panganay ko, na pinakamataas sa mga hari sa lupa.
Psal TagAngBi 89:28  Ang kagandahang-loob ko'y aking iingatan sa kaniya magpakailan man, at ang tipan ko'y mananayong matibay sa kaniya.
Psal TagAngBi 89:29  Ang kaniya namang binhi ay pananatilihin ko magpakailan man, at ang luklukan niya'y parang mga araw ng langit.
Psal TagAngBi 89:30  Kung pabayaan ng kaniyang mga anak ang kautusan ko, at hindi magsilakad sa aking mga kahatulan;
Psal TagAngBi 89:31  Kung kanilang salangsangin ang mga palatuntunan ko, at hindi ingatan ang mga utos ko;
Psal TagAngBi 89:32  Kung magkagayo'y aking dadalawin ng pamalo ang kanilang mga pagsalangsang, at ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
Psal TagAngBi 89:33  Nguni't ang aking kagandahang-loob ay hindi ko lubos na aalisin sa kaniya, ni akin mang titiisin na ang pagtatapat ko'y magkulang.
Psal TagAngBi 89:34  Ang tipan ko'y hindi ko sisirain, ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.
Psal TagAngBi 89:35  Minsan ay sumampa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan. Hindi ako magbubulaan kay David;
Psal TagAngBi 89:36  Ang kaniyang binhi ay mananatili magpakailan man; at ang kaniyang luklukan ay parang araw sa harap ko.
Psal TagAngBi 89:37  Matatatag magpakailan man na parang buwan, at tapat na saksi sa langit. (Selah)
Psal TagAngBi 89:38  Nguni't iyong itinakuwil at tinanggihan, ikaw ay napoot sa iyong pinahiran ng langis.
Psal TagAngBi 89:39  Iyong kinayamutan ang tipan ng iyong lingkod: iyong nilapastangan ang kaniyang putong sa pagtatapon sa lupa.
Psal TagAngBi 89:40  Iyong ibinuwal ang lahat niyang mga bakod: iyong dinala sa pagkaguho ang kaniyang mga katibayan.
Psal TagAngBi 89:41  Lahat na nagsisidaan sa lansangan ay nagsisisamsam sa kaniya. Siya'y naging kadustaan sa kaniyang mga kalapit.
Psal TagAngBi 89:42  Iyong itinaas ang kanan ng kaniyang mga kaaway; iyong pinagalak ang lahat niyang mga kaaway.
Psal TagAngBi 89:43  Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kaniyang tabak, at hindi mo itinayo siya sa pakikibaka.
Psal TagAngBi 89:44  Iyong pinapaglikat ang kaniyang kakinangan. At iyong ibinagsak ang kaniyang luklukan sa lupa.
Psal TagAngBi 89:45  Iyong pinaikli ang mga kaarawan ng kaniyang kabinataan: iyong tinakpan siya ng kahihiyan. (Selah)
Psal TagAngBi 89:46  Hanggang kailan, Oh Panginoon, magkukubli ka magpakailan man? Hanggang kailan magniningas ang iyong poot na parang apoy?
Psal TagAngBi 89:47  Oh alalahanin mo kung gaano kaikli ang aking panahon: sa anong pagkawalang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao.
Psal TagAngBi 89:48  Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan, na magliligtas ng kaniyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)
Psal TagAngBi 89:49  Panginoon, saan nandoon ang iyong dating mga kagandahang-loob, na iyong isinumpa kay David sa iyong pagtatapat?
Psal TagAngBi 89:50  Alalahanin mo Panginoon, ang kadustaan ng iyong mga lingkod; kung paanong taglay ko sa aking sinapupunan ang pagdusta ng lahat na makapangyarihang bayan;
Psal TagAngBi 89:51  Na idinusta ng iyong mga kaaway, Oh Panginoon, na kanilang idinusta sa mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
Psal TagAngBi 89:52  Purihin ang Panginoon, magpakailan man. Siya nawa, at Siya nawa.