Site uses cookies to provide basic functionality.

OK
MICAH
Up
1 2 3 4 5 6 7
Toggle notes
Chapter 1
Mica TagAngBi 1:1  Ang Salita ng Panginoon na dumating kay Mikas na Morastita, nang mga kaarawan ni Jotham, ni Achaz, at ni Ezechias, na mga hari sa Juda, na nakakita ng tungkol sa Samaria at sa Jerusalem.
Mica TagAngBi 1:2  Dinggin ninyong mga bayan, ninyong lahat; dinggin mo, Oh lupa, at ng lahat na nasa iyo: at ang Panginoong Dios ay maging saksi laban sa iyo, ang Panginoon mula sa kaniyang banal na templo.
Mica TagAngBi 1:3  Sapagka't, narito, ang Panginoo'y lumalabas sa kaniyang dako, at bababa, at yayapak sa mga mataas na dako ng lupa.
Mica TagAngBi 1:4  At ang mga bundok ay mangatutunaw sa ilalim niya, at ang mga libis ay mauupos, na parang pagkit sa harap ng apoy, parang tubig na bumubuhos mula sa isang bundok.
Mica TagAngBi 1:5  Dahil sa pagsalansang ng Jacob ang lahat na ito, at dahil sa mga kasalanan ng sangbahayan ni Israel, Ano ang pagsalangsang ng Jacob? hindi baga ang Samaria? at ano ang mga mataas na dako ng Juda? di baga ang Jerusalem?
Mica TagAngBi 1:6  Kaya't gagawin ko ang Samaria na parang bunton sa parang, at parang mga pananim sa ubasan; at aking ilalagpak ang mga bato niyaon sa libis, at aking ililitaw ang mga patibayan niyaon.
Mica TagAngBi 1:7  At lahat niyang larawang inanyuan ay pagpuputolputulin, at ang lahat niyang kaupahan ay susupukin sa apoy, at ang lahat niyang diosdiosan ay aking ihahandusay na sira; sapagka't sa kaupahan sa isang patutot ay kaniyang mga pinisan, at sa kaupahan sa isang patutot ay mangauuwi.
Mica TagAngBi 1:8  Dahil dito tataghoy ako, at mananambitan; ako'y yayaong hinubdan at hubad; ako'y uungal na parang chakal, at mananangis na gaya ng mga avestruz.
Mica TagAngBi 1:9  Sapagka't ang kaniyang mga sugat ay walang kagamutan; sapagka't dumarating hanggang sa Juda; umaabot hanggang sa pintuang-bayan ng aking bansa, hanggang sa Jerusalem.
Mica TagAngBi 1:10  Huwag ninyong saysayin sa Gath huwag kayong pakaiyak: sa Bethle-Aphra gumumon ako sa alabok.
Mica TagAngBi 1:11  Magdaan ka, Oh nananahan sa Saphir, sa kahubaran at kahihiyan: ang nananahan sa Haanan ay hindi lumalabas; ang taghoy ng Beth-esel ay magaalis sa iyo ng pangalalay niyaon.
Mica TagAngBi 1:12  Sapagka't ang nananahan sa Maroth ay naghihintay na mainam ng ikabubuti, sapagka't ang kasamaan ay bumaba mula sa Panginoon hanggang sa pintuang-bayan ng Jerusalem.
Mica TagAngBi 1:13  Isingkaw mo ang karo sa maliksing kabayo, Oh nananahan sa Lachis: siya ang pasimula ng kasalanan sa anak na babae ng Sion: sapagka't ang pagsalangsang ng Israel ay nasumpungan sa iyo.
Mica TagAngBi 1:14  Kaya't ikaw ay magbibigay ng kaloob sa pagpapaalam sa Moresethgath: ang mga bahay sa Achzib ay magiging karayaang bagay sa mga hari sa Israel.
Mica TagAngBi 1:15  Dadalhin ko pa sa iyo, Oh nananahan sa Maresah ang magaari sa iyo: ang kaluwalhatian ng Israel ay darating hanggang sa Adullam.
Mica TagAngBi 1:16  Magpakakalbo ka, at pagupit ka dahil sa mga anak ng iyong kalayawan: palakihin mo ang iyong pagkakalbo na gaya ng aguila; sapagka't sila'y nangapasa pagkabihag mula sa iyo.
Chapter 2
Mica TagAngBi 2:1  Sa aba nila na humahaka ng kasamaan, at nagsisigawa ng kasamaan sa kanilang mga higaan! pagliliwanag sa umaga, ay kanilang isinasagawa, sapagka't nasa kapangyarihan ng kanilang kamay.
Mica TagAngBi 2:2  At sila'y nangagiimbot ng mga bukid, at kanilang inaangkin; at ng mga bahay, at inaalis: at kanilang pinipighati ang isang tao at ang kaniyang sangbahayan, ang tao, at ang kaniyang mana.
Mica TagAngBi 2:3  Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, laban sa angkang ito ay humahaka ako ng isang kasamaan na doo'y hindi ninyo maaalis ang inyong mga leeg, ni makalalakad man ng kahambugan; sapagka't isang masamang panahon.
Mica TagAngBi 2:4  Sa araw na yaon ay magsisisambit sila ng talinhaga laban sa inyo, at mangananaghoy ng kakilakilabot na panaghoy, at mangagsasabi, Kami ay lubos na nasira: kaniyang binabago ang bahagi ng aking bayan; ano't inilalayo niya sa akin! sa mga manghihimagsik kaniyang binahagi ang aming mga bukid.
Mica TagAngBi 2:5  Kaya't mawawalan ka na ng maghahagis ng pisi na panukat sa pamamagitan ng sapalaran sa kapisanan ng Panginoon.
Mica TagAngBi 2:6  Huwag kayong manganghuhula, ganito sila nanganghuhula. Hindi sila manganghuhula sa mga ito: ang mga kakutyaan ay hindi mapapawi.
Mica TagAngBi 2:7  Sasabihin baga Oh sangbahayan ni Jacob, Ang Espiritu baga ng Panginoon ay nagipit? ang mga ito baga ang kaniyang mga gawa? Di baga ang aking mga salita ay nagsisigawa ng mabuti sa nagsisilakad ng matuwid?
Mica TagAngBi 2:8  Nguni't kamakailan na ang aking bayan ay bumangon na wari kaaway: inyong hinuhubad ang suot na kalakip ng balabal sa nagsisidaang tiwasay na parang mga lalaking nagsisipanggaling sa digma.
Mica TagAngBi 2:9  Ang mga babae ng aking bayan ay inyong pinalalayas sa kanilang mga masayang bahay; sa kanilang mga bata ay inyong inaalis ang aking kaluwalhatian magpakailan man.
Mica TagAngBi 2:10  Kayo'y magsibangon, at magsiyaon; sapagka't hindi ito ang inyong kapahingahan; dahil sa karumihan na lumilipol sa makatuwid baga'y sa mahigpit na paggiba.
Mica TagAngBi 2:11  Kung ang isang taong lumalakad sa espiritu ng kabulaanan ay nagsisinungaling, na nagsasabi, Ako'y manghuhula sa iyo tungkol sa alak at matapang na inumin; siya nga'y magiging propeta sa bayang ito.
Mica TagAngBi 2:12  Walang pagsalang aking pipisanin, Oh Jacob, ang lahat ng iyo; aking pipisaning walang pagsala ang nalabi sa Israel: akin silang ilalagay na magkakasama na parang mga tupa sa Bosra, na parang kawan sa gitna ng pastulan sa kanila; sila'y magkakaingay ng di kawasa dahil sa karamihan ng tao.
Mica TagAngBi 2:13  Nangunguna sa kanila yaong nagbubukas ng daan: sila'y nagbukas ng daan at nagsidaan sa pintuang-bayan, at nagsilabas doon; at ang kanilang hari ay nagpauna sa kanila, at ang Panginoon sa unahan nila.
Chapter 3
Mica TagAngBi 3:1  At aking sinabi, Isinasamo ko sa inyo, na inyong dinggin, ninyong mga pangulo ng Jacob, at mga pinuno ng sangbahayan ni Israel: hindi baga sa inyo ang pagalam ng katuwiran.
Mica TagAngBi 3:2  Kayong napopoot sa mabuti at umiibig sa kasamaan; na siyang umaagaw sa mga dukha ng balat nila, at ng kanilang laman sa kanilang mga buto;
Mica TagAngBi 3:3  Kayo ring kumakain ng laman ng aking bayan, at lumalapnos ng kanilang balat, at bumabali ng kanilang mga buto, at kanilang pinagputolputol yaon, na wari'y para sa palyok, at parang laman sa loob ng caldera.
Mica TagAngBi 3:4  Kung magkagayo'y magsisidaing sila sa Panginoon, nguni't hindi niya sasagutin sila; oo, kaniyang ikukubli ang kaniyang mukha sa kanila sa panahong yaon, ayon sa kanilang ginawang kasamaan sa kanilang mga gawa.
Mica TagAngBi 3:5  Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta na nagliligaw sa aking bayan; na nagkakanggigitil ng kanilang mga ngipin at nagsisihiyaw, Kapayapaan; at yaong hindi naglalagay sa kanilang bibig, ay pinaghahandaan siya nila ng digma:
Mica TagAngBi 3:6  Kaya't magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain; at magkakaroon ng kadiliman, na hindi kayo makapanghuhula; at ang araw ay lulubog sa mga propeta, at ang araw ay mangungulimlim sa kanila.
Mica TagAngBi 3:7  At ang mga tagakita ay mangapapahiya, at ang mga manghuhula ay mangatutulig; oo, silang lahat ay mangagtatakip ng kanilang mga labi; sapagka't walang kasagutan ng Dios.
Mica TagAngBi 3:8  Nguni't sa ganang akin, ako'y puspos ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Espiritu ng Panginoon, at ng kahatulan, at ng kapangyarihan, upang ipahayag sa Jacob ang kaniyang pagsalansang, at sa Israel ang kaniyang kasalanan.
Mica TagAngBi 3:9  Dinggin ninyo ito, isinasamo ko sa inyo, ninyong mga pangulo sa sangbahayan ni Jacob, at mga pinuno sa sangbahayan ni Israel, na nangapopoot sa kahatulan, at nangagbabaluktot ng matuwid.
Mica TagAngBi 3:10  Kanilang itinatayo ang Sion sa pamamagitan ng dugo, at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kasamaan.
Mica TagAngBi 3:11  Ang mga pangulo niya'y nagsisihatol dahil sa suhol, at ang mga saserdote, niya'y nangagtuturo dahil sa upa, at ang mga propeta niya'y nanganghuhula dahil sa salapi: gayon ma'y sila'y sasandal sa Panginoon, at mangagsasabi, Hindi baga ang Panginoon ay nasa gitna natin? walang kasamaang darating sa akin.
Mica TagAngBi 3:12  Kaya't ang Sion ay bubukirin na parang isang bukid dahil sa inyo, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton, at ang mga bundok ng bahay ay parang mga mataas na dako sa isang gubat.
Chapter 4
Mica TagAngBi 4:1  Nguni't sa mga huling araw ay mangyayari, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at matataas sa mga burol; at mga tao'y paroroon sa kaniya.
Mica TagAngBi 4:2  At maraming bansa'y magsisiparoo't mangagsasabi, Magsiparito kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, at sa bahay ng Dios ni Jacob; at siya'y magtuturo sa atin ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas. Sapagka't sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem;
Mica TagAngBi 4:3  At siya'y hahatol sa gitna ng maraming bayan, at sasaway sa mga matibay na bansa sa malayo: at kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsud, at ang kanilang mga sibat upang maging karit; ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni magaaral pa man ng pakikipagdigma.
Mica TagAngBi 4:4  Kundi sila'y uupo bawa't isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos; at walang tatakot sa kanila: sapagka't sinalita ng bibig ng Panginoon ng mga hukbo.
Mica TagAngBi 4:5  Sapagka't ang lahat na bayan ay magsisilakad bawa't isa sa pangalan ng kanikaniyang dios: at tayo'y magsisilakad sa pangalan ng Panginoon nating Dios magpakailan kailan man.
Mica TagAngBi 4:6  Sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, aking pipisanin siya na napipilay, at aking titipunin siya na natapon, at siya na aking pinagdalamhati;
Mica TagAngBi 4:7  At aking gagawin ang pilay na isang nalabi, at ang natapon sa malayo na isang matibay na bansa: at ang Panginoon ay maghahari sa kanila sa bundok ng Sion mula ngayon hanggang sa walang hanggan.
Mica TagAngBi 4:8  At ikaw, oh moog ng kawan, na burol ng anak na babae ng Sion, ito sa iyo'y darating, oo, ang dating kapangyarihan ay darating, ang kaharian ng anak na babae ng Jerusalem.
Mica TagAngBi 4:9  Ngayo'y bakit ka sumisigaw ng malakas? Wala ka bagang hari, ang iyo bagang kasangguni ay namatay, upang ang mga paghihirap ay suma iyo na gaya ng babae sa pagdaramdam?
Mica TagAngBi 4:10  Magdamdam ka, at magtiis ka ng hirap, Oh anak na babae ng Sion, na gaya ng babae sa pagdaramdam: sapagka't ngayo'y lalabas ka sa bayan, at ikaw ay tatahan sa parang, at ikaw ay darating hanggang sa Babilonia: doon ka maliligtas; doon ka tutubusin ng Panginoon sa kamay ng iyong mga kaaway.
Mica TagAngBi 4:11  At ngayo'y maraming bansa ay nangagpupulong laban sa iyo, na nangagsasabi, Madumhan siya, at makita ng ating mata ang nasa natin sa Sion.
Mica TagAngBi 4:12  Nguni't hindi nila nalalaman ang mga pagiisip ng Panginoon, ni nauunawa man nila ang kaniyang payo; sapagka't kaniyang pinisan sila na parang mga bigkis sa giikan.
Mica TagAngBi 4:13  Ikaw ay bumangon, at gumiik, Oh anak na babae ng Sion; sapagka't aking gagawing bakal ang iyong sungay, at aking gagawing tanso ang iyong mga kuko; at iyong pagluluraylurayin ang maraming bayan: at iyong itatalaga ang kanilang pakinabang sa Panginoon, at ang kanilang pag-aari ay sa Panginoon ng buong lupa.
Chapter 5
Mica TagAngBi 5:1  Ngayon ay mapipisan ka sa mga hukbo, Oh anak na babae ng mga hukbo: siya'y nangubkob laban sa atin; kanilang hahampasin sa pisngi ang hukom ng Israel ng isang tungkod.
Mica TagAngBi 5:2  Nguni't ikaw, Beth-lehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libolibo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel; na ang pinagbuhatan niya ay mula nang una, mula nang walang hanggan.
Mica TagAngBi 5:3  Kaya't kaniyang ibibigay sila hanggang sa panahon na siya na nagdaramdam ay manganak: kung magkagayon ang nalabi sa kaniyang mga kapatid ay babalik sa mga anak ni Israel.
Mica TagAngBi 5:4  At siya'y titindig, at magpapakain ng kaniyang kawan sa kalakasan ng Panginoon, sa kamahalan ng pangalan ng Panginoon niyang Dios: at sila'y mananatili; sapagka't ngayon siya'y magiging dakila hanggang sa mga wakas ng lupa.
Mica TagAngBi 5:5  At ang lalaking ito ay magiging kapayapaan natin. Pagka ang taga Asiria ay papasok sa ating lupain, at pagka siya'y tutungtong sa ating mga palacio, tayo nga'y mangagtitindig laban sa kaniya ng pitong pastor, at walong pinakapangulong tao.
Mica TagAngBi 5:6  At kanilang wawasakin ng tabak ang lupain ng Asiria, at ang lupain ng Nimrod sa mga pasukan niyaon: at kaniyang ililigtas tayo sa taga Asiria, pagka siya'y pumasok sa ating lupain, at pagka siya'y tumungtong sa loob ng ating hangganan.
Mica TagAngBi 5:7  At ang nalabi sa Jacob ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon sa gitna ng maraming bayan, parang ulan sa damo, na hindi naghihintay sa tao, ni naghihintay man sa mga anak ng tao.
Mica TagAngBi 5:8  At ang nalabi sa Jacob ay magiging sa gitna ng mga bansa, sa gitna ng maraming bayan, na parang leon sa mga hayop sa gubat, na parang batang leon sa mga kawan ng mga tupa; na kung siya'y dumaraan ay yumayapak at lumalapa, at walang magligtas.
Mica TagAngBi 5:9  Mataas ang iyong kamay sa iyong mga kaaway, at mangahiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway.
Mica TagAngBi 5:10  At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na aking ihihiwalay ang iyong mga kabayo sa gitna mo, at aking gigibain ang iyong mga karo:
Mica TagAngBi 5:11  At aking ihihiwalay ang mga bayan ng iyong lupain, at aking ibabagsak ang lahat ng iyong katibayan:
Mica TagAngBi 5:12  At aking ihihiwalay ang mga panghuhula sa iyong kamay; at hindi ka na magkakaroon ng mga manghuhula:
Mica TagAngBi 5:13  At aking ihihiwalay ang iyong mga inanyuang larawan at ang iyong mga haligi mula sa gitna mo; at hindi ka na sasamba sa gawa ng iyong mga kamay;
Mica TagAngBi 5:14  At aking bubunutin ang iyong mga Asera mula sa gitna mo; at aking sisirain ang iyong mga bayan.
Mica TagAngBi 5:15  At ako'y maguukol ng panghihiganti sa galit at kapusukan sa mga bansa na hindi nangakinig.
Chapter 6
Mica TagAngBi 6:1  Dinggin ninyo ngayon kung ano ang sinasabi ng Panginoon: Bumangon ka, makipagkaalit ka sa harap ng mga bundok, at dinggin ng mga burol ang iyong tinig.
Mica TagAngBi 6:2  Dinggin ninyo, Oh ninyong mga bundok, ang usap ng Panginoon, at ninyo na mga matibay na patibayan ng lupa; sapagka't ang Panginoon ay may usap sa kaniyang bayan, at kaniyang ipakikipagtalo sa Israel.
Mica TagAngBi 6:3  Oh bayan ko, anong ginawa ko sa iyo? at sa ano kita pinagod? sumaksi ka laban sa akin.
Mica TagAngBi 6:4  Sapagka't ikaw ay aking iniahon mula sa lupain ng Egipto, at tinubos kita sa bahay ng pagkaalipin; at aking sinugo sa unahan mo si Moises, si Aaron, at si Miriam.
Mica TagAngBi 6:5  Oh bayan ko, alalahanin mo ngayon kung ano ang isinangguni ni Balac na hari sa Moab, at kung ano ang isinagot sa kaniya ni Balaam na anak ni Beor; alalahanin mo mula sa Sittem hanggang sa Gilgal, upang iyong maalaman ang mga matuwid na gawa ng Panginoon.
Mica TagAngBi 6:6  Ano ang aking ilalapit sa harap ng Panginoon, at iyuyukod sa harap ng mataas na Dios? paroroon baga ako sa harap niya na may mga handog na susunugin, na may guyang isang taon ang gulang?
Mica TagAngBi 6:7  Kalulugdan baga ng Panginoon ang mga libolibong tupa, o ang mga sangpu-sangpung libong ilog na langis? ibibigay ko baga ang aking panganay dahil sa aking pagsalangsang, ang bunga ng aking katawan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa?
Mica TagAngBi 6:8  Kaniyang ipinakilala sa iyo, Oh tao, kung ano ang mabuti; at ano ang hinihingi ng Panginoon sa iyo, kundi gumawa na may kaganapan, at ibigin ang kaawaan, at lumakad na may kababaan na kasama ng iyong Dios.
Mica TagAngBi 6:9  Ang tinig ng Panginoon ay humihiyaw sa bayan, at ang taong may karunungan ay makakakita ng iyong pangalan: dinggin ninyo ang tungkod, at ang naghalal niyaon.
Mica TagAngBi 6:10  Mayroon pa baga kaya ng mga kayamanan ng kasamaan sa bahay ng masama, at ng kulang na panukat na kasuklamsuklam?
Mica TagAngBi 6:11  Magiging malinis baga ako na may masamang timbangan, at sa marayang supot na panimbang?
Mica TagAngBi 6:12  Sapagka't ang mga mayaman niyaon ay puno ng pangdadahas, at ang mga mananahan doo'y nangagsalita ng mga kabulaanan, at ang kanilang dila ay magdaraya sa kanilang bibig.
Mica TagAngBi 6:13  Kaya't sinugatan din naman kita ng mabigat na sugat; ginawa kitang kasiraan dahil sa iyong mga kasalanan.
Mica TagAngBi 6:14  Ikaw ay kakain, nguni't hindi ka mabubusog; at ang iyong pagpapakumbaba ay sasa gitna mo: at ikaw ay magtatabi, nguni't wala kang dadalhing maitatabi; at ang iyong ilalabas ay aking iiwan sa tabak.
Mica TagAngBi 6:15  Ikaw ay maghahasik, nguni't hindi ka magaani: ikaw ay magpipisa ng mga olibo, nguni't hindi ka magpapahid ng langis; at ng ubas, nguni't hindi ka iinom ng alak.
Mica TagAngBi 6:16  Sapagka't naiingatan ang mga palatuntunan ni Omri, at ang lahat na gawa ng sangbahayan ni Achab, at kayo'y nagsisilakad ng ayon sa kanilang mga payo; upang gawin kitang kasiraan, at ang mga mananahan niya'y kasutsutan: at inyong dadalhin ang kakutyaan ng aking bayan.
Chapter 7
Mica TagAngBi 7:1  Sa aba ko! sapagka't ako'y gaya ng kanilang pisanin ang mga bunga sa taginit, gaya ng mga pamumulot ng ubas sa ubasan: walang kumpol na makain; ako'y nananabik sa unang bunga ng igos.
Mica TagAngBi 7:2  Ang mabuting tao ay namatay sa lupa, at wala nang matuwid sa mga tao: silang lahat ay nagsisibakay upang magbubo ng dugo; hinuhuli ng bawa't isa ang kaniyang kapatid sa pamamagitan ng silo.
Mica TagAngBi 7:3  Ang kanilang mga kamay ay nangasa kasamaan upang sikaping isagawa; ang prinsipe ay humihingi, at ang hukom ay maagap sa suhol; at ang dakilang tao ay nangagsasalita ng masamang hangad ng kaniyang kaluluwa: ganito nila nilalala.
Mica TagAngBi 7:4  Ang pinakamahusay sa kanila ay parang dawag; ang pinakamatuwid ay masama kay sa isang bakod na tinikan: ang araw ng inihula sa iyo ng mga bantay, sa makatuwid baga'y ang araw ng pagdalaw sa iyo, ay dumating; ngayo'y mangatitigilan sila.
Mica TagAngBi 7:5  Huwag kayong magsitiwala sa kalapit bahay; huwag kayong magkatiwala sa kaibigan; ingatan mo ang mga pinto ng inyong bibig sa kaniya na humihiga sa inyong sinapupunan.
Mica TagAngBi 7:6  Sapagka't sinisiraang puri ng anak na lalake ang ama, ang anak na babae ay tumitindig laban sa kaniyang ina, ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyanang babae; ang mga kaaway ng tao ay ang kaniyang sariling kasangbahay.
Mica TagAngBi 7:7  Nguni't sa ganang akin, ako'y titingin sa Panginoon; ako'y maghihintay sa Dios ng aking kaligtasan: didinggin ako ng aking Dios.
Mica TagAngBi 7:8  Huwag kang magalak laban sa akin, Oh aking kaaway: pagka ako'y nabuwal, ako'y babangon; pagka ako'y naupo sa kadiliman, ang Panginoo'y magiging ilaw sa akin.
Mica TagAngBi 7:9  Aking babatahin ang kagalitan ng Panginoon, sapagka't ako'y nagkasala laban sa kaniya, hanggang sa kaniyang ipagsanggalang ang aking usap, at lapatan ako ng kahatulan: kaniyang ilalabas ako sa liwanag, at aking mamasdan ang kaniyang katuwiran.
Mica TagAngBi 7:10  Kung magkagayo'y makikita ng aking kaaway, at kahihiyan ang tatakip sa kaniya, na nagsabi sa akin, Saan nandoon ang Panginoon mong Dios? Makikita ng aking mga mata ang nais ko sa kaniya; siya nga'y yayapakan na parang putik sa mga lansangan.
Mica TagAngBi 7:11  Kaarawan ng pagtatayo ng iyong mga kuta! sa kaarawang yaon ay malalayo ang pasiya.
Mica TagAngBi 7:12  Sa kaarawang yaon ay magsisiparoon sila sa iyo mula sa Asiria at sa mga bayan ng Egipto, at mula sa Egipto hanggang sa ilog, at mula sa dagat at dagat, at sa bundok at bundok.
Mica TagAngBi 7:13  Gayon ma'y masisira ang lupain dahil sa kanila na nagsisitahan doon, dahil sa bunga ng kanilang mga gawa.
Mica TagAngBi 7:14  Pakanin mo ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong tungkod, ang kawan na iyong mana, na tumatahang magisa, sa gubat sa gitna ng Carmelo: pakanin mo sila sa Basan at sa Galaad, gaya ng mga araw nang una.
Mica TagAngBi 7:15  Gaya ng mga araw ng iyong paglabas sa lupain ng Egipto ay aking pagpapakitaan sila ng mga kagilagilalas na bagay.
Mica TagAngBi 7:16  Makikita ng mga bansa, at mangapapahiya sa buo nilang kapangyarihan; kanilang ilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ang kanilang mga pakinig ay mabibingi.
Mica TagAngBi 7:17  Sila'y magsisihimod sa alabok na parang ahas; parang nagsisiusad na hayop sa lupa sila'y magsisilabas na nagsisipanginig mula sa kanilang mga kulungan; sila'y magsisilapit na may takot sa Panginoon nating Dios, at mangatatakot dahil sa iyo.
Mica TagAngBi 7:18  Sino ang Dios na gaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan, at pinalalagpas ang pagsalansang ng nalabi sa kaniyang mana? hindi niya pinipigil ang kaniyang galit ng magpakailan man, sapagka't siya'y nalulugod sa kagandahang-loob.
Mica TagAngBi 7:19  Siya'y muling magtataglay ng habag sa atin; kaniyang yayapakan ang ating kasamaan: at kaniyang ihahagis ang lahat nilang kasalanan sa mga kalaliman ng dagat.
Mica TagAngBi 7:20  Iyong isasagawa ang katotohanan kay Jacob, at ang kagandahang-loob kay Abraham, na iyong isinumpa sa aming mga magulang mula sa mga araw nang una.